Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Supercentenarian

0 67

Kung hindi black profile photo, larawan ng kandila at bulaklak ang pirmi nating nakikita sa tuwing mag-scroll ng newsfeed sa Facebook. Nakadudurog ng puso na hindi lumilipas ang linggo na wala tayong kakilala o malapit sa buhay na nasasawi dahil sa Covid-19.

Wala na ring pinipiling edad ang bangis ng virus. Bata o matanda man, parehong namemeligro sa Covid-19.

Kaya sa tuwing may nagbi-birthday, kailangan itong i-celebrate at ipagpasalamat. Milestone nang maituturing tuwing naaabot mo ang iyong kaarawan. Ibig sabihin, lumipas ang taon na may malusog kang pangangatawan at malayo sa kapahamakan.

Kaya hindi lang kamangha-mangha, talaga namang kapuri-puri ang babae sa Negros Occidental na nagdiwang ng kanyang ika-124 birthday nitong September 11 – siya si Lola Francisca Susano.

Ipinanganak si Lola Francisca noong 1897. Siya na ang pinakamatandang taong nabubuhay sa buong mundo. Natalo niya ang kasalukuyang record holder mula sa Japan na ipinanganak noong 1903.

Ayon kay Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, natanggap na ng Guinness World Records Organization ang mga supporting document para hiranging ‘oldest woman alive’ si Lola Francisca. Hinihintay na lang nila ang tugon ng Guinness.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Naghain din ng resolusyon si Rep. Ordanes sa Mababang Kapulungan para bigyan ng P1M grant ang tinagurian niyang ‘supercentenarian’ para sa kanyang natatanging achievement.

“Dapat nating ituring na pambansang yaman ang mga gaya ni Lola Francisca Susano. Nasaksihan niya ang mahahalagang yugto sa kasaysayan ng ating bansa sa nagdaang mahigit isang siglo. Mas matanda pa nga siya kaysa sa deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya’, ayon sa pahayag ni Rep. Ordanes.

Kuwento ng apo ni Lola Francisca, nagpapatugtog ng harmonica ang supercentenarian tuwing umaga na sa tingin nila’y malaki ang naitutulong para maging malusog ang kanyang mga baga.

Masusustansiyang pagkain din daw ang madalas kainin ni Lola Francisca. Hindi rin siya lumiliban sa oras ng pagkain. Mahilig din daw si lola sa honey. Sa edad niyang 124, gumagawa pa siya ng basic stretching bilang ehersisyo.

Sa gitna ng banta ng pandemya, masuwerte nang may umabot pa nang 100 years old. Kaya talaga namang ‘one for the books’ ang naabot na ito ni Lola Francisca. Bagay na dapat nating ipagmalaki bilang mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.