Abante Tonite Interactive

‘Superhuman’ comment ni Lacson kay Duterte sinakyan ng Malacañang

0 510

Hindi binigyan ng malisya ng Malacañang ang ‘superhuman’ at ‘president for life’ comment ni senador Panfilo ‘Ping’ Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa halip ay sinakyan pa ito.

Sa harap ito ng naging pahayag ng senador na puwedeng tawaging panghabambuhay na Pangulo si Duterte kung matutupad niya ang dalawang ipina­ngako sa bayan, partikular ang limang minutong biyahe mula Cubao hanggang Makati City sa loob ng anim na buwan at maalis ang flight delays sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa loob ng isang buwan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na walang masama sa naging pahayag ni Lacson, bagkus ay hahanga pa ito kung magagawa ito ng Presidente.

“Kaya nga eh, iyon na nga iyon. Kung magawa ni Presidente iyon, ibig sabihin eh hangang-hanga siya at gusto niya ay siya ang maging Presidente for life. Wala namang motive doon. Iyon lang naman ang ibig sabihin noon eh,” ani Panelo. (Aileen Tali­ping/Prince Golez)