Abante Tonite Interactive

Suplay ng sardinas inipit para makapagtaas presyo

273

Inihayag kahapon ng Department of Trade and Industry, (DTI) na tataas mula sa P0.50 hanggang P0.80 sentimos ang presyo ng mga delatang sardinas.

Ayon sa pahayag ni Marvin Lim, president ng Canned Sardines Association of the Philippines, tumaas ang pres­yo ng mga isdang tamban na ginagamit sa paggawa ng sardinas gayundin ang mga ginagamit na tin plate sa repac­king ng nabanggit na produkto.

Sinabi pa ni Lim, noon pang isang taon nila hiniling sa DTI na magtataas sila ng kalahati ng kanilang presyo ng produktong sardinas.

Ngunit pansamantala munang hiniling ng nasabing ahensiya na manatili muna ito sa dating presyo na kanilang pinagbigyan.

Bukod pa dito tataas din ang presyo ng ilang brand ng condiment tulad ng toyo, suka, patis, formula milk, pati na ang noodles.

Base sa monitoring ng Philippine Amalgamated Supermarket Association, mula dalawa hanggang limang porsi­yento ang posibleng dagdag sa presyo ng mga nabanggit na produkto.

Ilan namang tindera sa palengke ang umaangal sa kawalan ng suplay ng sardinas.

Hinaing ng ilang tindera, mistulang sinasadya ito ng ilang supplier para maitaas ang presyo ng kanilang produkto para kumita nang mas malaki.