Abante Tonite Interactive

Suplay ng sardinas sapul ng brownout

260

Apektado na ang operasyon ng mga gumagawa ng sardinas sa Zamboanga City dahil na rin sa mga unscheduled brownout na kasaluku­yang nararanasan sa lungsod na itinuturing na sardine capital ng Pilipinas.

Ayon sa industry sources, dahil sa brownout na umaabot ng tatlog oras ay nag-cut down sila ng produksyon ng hanggang 30%.

Nag-ugat ang problema sa kuryente matapos itigil ng Western Mindanao Power Corporation (WMPC) ang power supply nito sa Zamboanga City Electric Cooperative (ZAMELCO) noong Pebrero 4 matapos mabigong bayaran ng kooperatiba ang pagkakautang nito sa WMPC mula pa noong Oktubre 2018.

Ayon sa WMPC, ayaw bayaraan ng kooperatiba ang pagkakautang sa kanila na umaabot na ng P467 milyon dahilan kaya napilitan silang i-shutdown ang operas­yon nito matapos mag-takeover ang Crown Desco sa management ng ZAMELCO.

Nag-takeover sa ope­rasyon ng kooperatiba ang Crown Desco noong buwan ng Enero nga­yong taon pero tumanggi rin ito na ayusin ang overdue account ng kooperatiba sa kabila ng paulit-ulit na demand ng WMPC.

Gumitna na rin umano sa problema ang mga opisyal ng pamahalaang lokal pero hindi pa rin naayos ang gusot at nanindigan umano ang Crown Desco na hindi nila babayaran ang utang ng ZAMELCO dahil sa diumano’y overcharging ng WMPC.

Dahil dito, napilitan na ang mga pabrika ng sardinas pati na rin ang mga tin can manufacturer at mga storage plant na gumamit ng backup generator para makapag-operate lang.

Pero dahil dito, tumaas naman ang konsumo nila sa petrolyo.

“We are incurring P4 million in fuel costs eve­ry month to run in full capacity,” ayon sa isang industry source.

Nagrereklamo na rin ang may-ari ng isa sa pinakamalaking pabrika ng sardinas sa lungsod dahil kakaunti na lamang ang supply ng lata para sa sardinas dahil sa problema sa power supply.

Wala pang eksatong halaga ng nalulugi sa industriya ng sardinas sa Zamboanga City pero dahil sa problema ay pinangangambahan na tumaas ang presyo nito sa merkado dahil na rin sa dagdag gastos ng mga gumagawa nito.

May 11 sardine canning plant sa Zamboanga na kaya umanong makagawa ng 1.5 mil­yong kahon ng sardinas kada buwan, ayon sa industry sources.

Ang franchise area ng ZAMELCO ay mayroong peak demands na 120 megawatts pero nasa 80 hanggang 90 megawatts lang ang nakukuha nito na nagdudulot ng mga power interruption mula nang i-shutdown ng WMPC ang 105-MW bunker fuel-fired plant sanhi ng kakula­ngan ng suplay ng bunker fuel. (PNA)