Abante Tonite Interactive

Suporta at kaligtasan ng mga tsuper, hangad ni Grace Poe

0 615

Balik na ang public transportation sa Mayo 16 sa pagsisimula ng implementasyon ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila. Magkahalong tuwa at lungkot siguro ang nararamdaman ng mga driver at operator ng public utility vehicles.

Masaya dahil makakapasada na sila matapos ang dalawang buwan na pagkagarahe ng sasakyang kanilang minamaneho. Pero may lungkot dahil sa balitang limitado lang ang magiging sakay ng kanilang pinapasada. Dagdag pa riyan ang patuloy na banta ng coronavirus infection.

Kaya naman kumilos agad si Senadora Grace Poe, ang chair ng Senate Committee on Public Services, at pinulong sa virtual hearing ang mga opisyal ng gobyerno. Upang maprotektahan sa COVID-19 ang mga driver at pasahero, ipatutupad ang no mask, no ride policy at pagsalang sa thermal scanner sa bawat pasahero.

Kalimitan nating nakikitang nakapaskil sa jeep ang barya muna sa umaga, basta sexy libre at iba pa. Pero ang magiging new normal ngayon, bayad muna bago sakay. Ito ay upang maiwasan ang pasahan ng salapi o barya. Sa mga modernized jeepney at bus, hindi na ito problema dahil mayroon na silang automated fare system.

Tiyak na marami ang maninibago sa bagong sistema. Pero ayon nga kay Poe, kailangan ang kooperasyon ng publiko upang masunod ang tamang social distancing sa mga PUV. “To our passengers, the most important really is to maintain social distancing, to always wash your hands, to keep a mask on. Otherwise all of these measures will be for nothing,”pakiusap ng senadora.

Dahil mababawasan ang kita ng mga tsuper sa limitadong pasahero, itinulak ni Poe ang subsidiya sa mga driver. “Kailangan ituloy ang subsidiya sa kanila dahil mababawasan ang kanilang kita, kung wala nito, lugi ang bawat pasada at baka hindi na lang sila lumabas.”

Hindi naman nabigo si Poe dahil sabi ng Department of Transportation, isusumite nila sa Inter-Agency Task Force ang panukalang P3 bilyong pondo kada buwan. Ito ang gagamiting fuel subsidy sa mga driver na katumbas ng 30 porsyentong konsumo nila sa arawang pasada.

Isa pa sa siniguro ni Poe ay walang dagdag na gastos sa pasahe ang mga mananakay. Kung putol-putol kasi ang biyahe, ilang ulit na lilipat ng sasakyan ang mga pasahero kaya ilang beses silang magbabayad ng minimum fare.

Malaking bagay sa mga driver ang panukala ni Poe. Nasa gobyerno na ang bola kung maipatutupad ito ng maayos. (END)

Tonite – Wendys Inhouse Ad