Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Suporta, buong kababaang loob kong hiling sa mga Pilipino

0 139

Ke bakunahan o edukasyon, sa Maynila, hindi hinihingi ang pagprisinta ng voter’s ID. Hindi rin ‘requirement’ ang Manila zip code para makapag-enrol sa kolehiyo o matanggap sa mga ospital ng lungsod.

Dito po sa amin, sa panahon ng pandemya at kagipitan, walang patakarang “No Manila ID, No Entry.”

Kaya paslit pa lang po ako, itinatak ko na sa aking isipan na sa pagbigay ng tulong sa kapwa, huwag pahirapan ang mga mahihirap. Ang dapat ibigay sa kanila ay ‘red carpet treatment’ hindi ‘red tape’.

May isa pa akong natutunan sa buhay sa murang gulang pa lamang. Habang ang kahirapan ay nagpapababa sa estado ng tao, hindi nito dapat alisin ang iyong pagkatao.

Opo, lumaki akong busabos, ngunit hindi ako naging bastos. Mulan ang ilapat ko ang aking kamay sa Bibliya para manumpa sa tungkulin, ito na ang aking naging pananalig—nasa bayan ang tiwala, nasa hinalal ang gawa, nasa Diyos ang awa.

Nagmuni-muni din ako, kung ano ang tatahakin kong landas sa darating na panahon. Tulad ninyo, humantong din ako sa sangandaan. Dapat ko bang tahakin ang mataas subalit mahirap na daan kasama ang aking mga kababayan, o iwan ko na lamang sila at tahakin ang mas madaling landasin nang mag-isa?

Maraming balakid ang aking kinakaharap at pagsubok na dapat daigin. Una, hindi ako galing sa malaking pamilya. Hindi ako anak ng isang presidente.

Hindi nyo makikita sa pera ang mukha ng aking walang perang mga ninuno. Wala ring anumang kalye, iskinita o maski waiting shed na may pangalang Domagoso. Ako lamang ang humugot sa aking sarili mula sa kahirapan, nang walang tulong ninuman.

Lone ranger po ang apelyido ko sa gobyerno. Nag-iisang Damagoso sa government directory. Missing in action din sa social registry. At sa gitna ng mga agam-agam meron pang nakapagsabi na sa tanda kong ito, 23 years in public service, bata pa raw ako. Di ko naman ko kayo masisisi. Artistahin toits.

Sa mga darating na araw, ilalahad ko ang aking plataporma. Matayog ito, subalit tinitiyak kong magagawa, dahil nasubukan na naming sa Maynila. Hindi ako tatakbo sa pangako. Tatakbo ako gamit ang ‘prototypes’ o pruweba.

Hindi ko man maibibigay ang perpektong uri ng gobyerno, kung sama-sama ay maari natin itong gawing mas maayos.

“Open governance policy” ang ating paiiralin. Bakit? Sapagkat ang ibig sabihin po ng open governance sa ganang akin ay ang pagiging bukas sa bagong idea, opinion, at mga inyong pakikilahok sa pagpapasya sa ting pamamahala.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Welcome din ang mga puna, dahil ang pakikinig sa mga reklamo ay nagbubunga ng mas magagandang polisiya at serbisyo.

Aking itatatag ang pinakamalawak na pamahalaan kasama ang pinakamagagaling at pinakamatatalino, hindi lang manggagaling sa lungsod ng Maynila, o sa isang partido, o sa isang paksyon, o sa isang propesyon, o sa isang tribo, o isang age group.

Iimbitahan din natin ang mga ‘millennials’ na lumahok sa gobyerno upang magamit nila ang kanilang talento sa pagseserbisyo sa bayan. Sa ating administrasyon, kakayanan at hindi koneksyon ang magiging giya ng pagtatalaga. Sa mga may kakayanan, di na kailangan ng rekomendasyon at sa mga walang kakayanan, di na kailangang mag- apply. Umasa kayo, pag meron akong taong pumalya, pumapalpak, sibak kaagad.

Nais kong maging instrumento ng pagkakaisa kaya’t hindi ko po isisisi sa nakaraan ang problemang ating kakaharapin. Ito ang paraan upang mabilis tayong makausad.

Magiging epektibo ako sa buong bansa, lalo na sa panahon ng pandemya na ayon sa mga eksperto ay hindi mawawala sa mga susunod pang taon, dahil nakita ko na may pruweba na sa Maynila. Ang partner ko rin ay Doktora, si Vice Mayor Honey Lacuna.

Kaya naman aking napisil na maging kaagapay si Dr. Willie Ong, isang public health advocate na imbes pagkakitaan ang mga payong medikal ay kanya itong ibinibigay nang libre sa social media, gayundin ang kanyang kabiyak na si Dr. Liza Ong.

Isang doktor na may puso, talino at oras para sa tao, malinis ang record at tuloy- tuloy sa paglilingkod sa mga may sakit, at problemang pangkalusugan.

Siya ang aagapay sa ating bansa sa panahon pa rin ng inaasahang patuloy na pandemya.

Kaya buong kababaang-loob inihahayag ko sa inyo mga kababayan ko: Sa darating na Mayo, tanggapin nyo po ang aking aplikasyon bilang Pangulo ng Pilipinas. At siyempre pa, ‘wag nyo na po akong bigyan ng iba pang Bise-Presidente.

Sa pagtugon sa pandemya, kailangan ay bilis kilos. Matutupad ito kung ang aking katuwang ay bihasa sa usaping pangkalusugan.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.