Abante Tonite Interactive

Suportahan ang mga lokal na magsasaka

By
117

Isa sa mga panukalang batas na isinusulong ngayon ng administrasyon ay ang rice tarrification bill. Sa panukalang batas na ito, tatanggalin ang mga limitasyon sa mga imported na bigas o iyong mga ipinapasok dito sa atin mula sa ibang bansa.

Ayon sa mga nagsusulong nito, ito raw ay para maibaba ang presyo ng bigas sa bansa na kabilang sa mga tumaas ang presyo dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Subalit mayroong pangamba na tuluyan nang mamatay ang sektor ng pagsasaka sa bansa kung ito ay maisasabatas.

May posibilidad din na tuluyang iwanan na ng mga ordinaryong magsasaka ang pagsasaka dahil dito partikular na iyong mayroong isa o dalawang ektar­yang sakahan lamang.

Ang mangyayari kasi ay dadagsa sa merkado ang mga imported na bigas. Maaaring hindi makasabay ang mga lokal na magsasaka sa mga mas murang imported na bigas.

Kung papapasukin natin ang mga imported na bigas nang walang limitasyon, maaaring maging over-dependent o aasa na lamang tayo sa ibang bansa tulad ng Thailand at Vietnam.

Napakahirap ng sitwasyon kung nakaasa tayo sa kakayanan ng ibang bansa para tayo ay magkaroon ng bigas – isa sa mga pangunahing pagkain ng mga Filipino.

Hangga’t walang maayos na tulong ang gobyerno sa mga magsasaka ay maaari talagang mamatay ang sektor ng pagsasaka sa ating bansa. Tulad nang sinabi na natin dati, hirap na hirap ang sitwasyon ng ating mga magsasaka. Pataas nang pataas ang presyo ng binhi, abono, pesticide at kagamitan sa pagsasaka.

Kapag panahon pa ng anihan ay napipilitan silang ibenta ang kanilang mga ani sa middlemen sa mas murang halaga dahil walang post-harvest facilities.

Samantala, ang libreng irigasyon naman ay hindi lubusang mapakinabangan sapagkat sira ang irrigation system. Delay na delay na sa pagtatanim ng palay ang kababayan nating magsasaka tulad na lamang ng natanggap nating impormasyon hinggil sa nararanasan ngayon ng mga taga-Solana sa Cagayan.

Kung talagang nais ng gobyerno na masiguro na sapat ang suplay ng bigas sa bansa, ibigay ang lahat ng tulong na kailangan ng magsasaka tulad ng subsidy sa binhi at abono, pagtatayo ng post harvest facilities at farm-to-market roads, at pagbili ng NFA ng palay mula mismo sa mga magsasaka, sa makatarungan na presyo.