Abante Tonite Interactive

Suportahan ang mga Moro, ipasa ang BBL!

By
450

Nalalapit na ang recess sa paglulunsad ng mga session ang Kongreso at Senado kaya naman nitong nakaraang araw ay idineklara na ni Pangulong Duterte na ‘urgent’ ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law o mas kilala sa BBL.

Pinagsusumite ni Pangulong Duterte ang Kongreso at Senado ng kani-kanilang pinal na bersyon ng BBL para agad na mapagkasunduan ng parehong kapulungan ang mga probisyon nito at nangako naman ang Pangulo na agad na pipirmahan ito para maisabatas.

Ngayong Hunyo 2 simula ng recess ng mga pagdinig sa Kongreso at Senado kaya naman mabilis na inaksiyunan ng parehong kapulungan ang mandato ng Pa­ngulo na sa araw ding idineklara na urgent ang BBL, Mayo 29, ay naipasa na sa ikalawang pagbasa ang paunang draft nito at inaasahan na matapos ito bago ang recess. Kung ito ay mangyayari, asahan natin na sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, ang BBL ang isa sa mga pinakatampok na isyu na kanyang tatalakayin.

Abante Hiring – IT dep

Ang deklarasyon ng urgency sa BBL ay resulta ng pagpupulong ng mga kinatawan ng mga kapatid nating Muslim sa Pa­ngulo. Kasalukuyang nasa estado ng Batas Mi­litar pa rin ang Mindanao at hindi pa lubusang nareresolba ang mga isyu sa seguridad sa lugar. Kaya naman, napapanahon na nga talagang madaliin ang pagpasa ng BBL sa lalong madaling panahon.

Ako ay hinirang bilang Datu A Samporna ng mga kapatid nating Muslim sa Lalawigan ng Cavite na may tungkuling panatilihin ang kapayapaan, katahimikan at katiwasayan ng mga naninirahang Muslim sa Cavite.

Related Posts

May mga barangay tayo sa Lalawigan ng Cavite na may malaking bilang o konsentrasyon ng mga Muslim at mula pa noon at hanggang ngayon ay binibigyang pagpapaha­laga ng mga Caviteño ang mga Caviteñong Muslim sa larangan ng relihiyon, kultura, trabaho, hanapbuhay at maging sa paninirahan. Kaya naman malapit sa aking puso ang paglilingkod sa mga Muslim.

Ang mga Moro ay nabibilang sa margina­lized sector sa ating bansa. Madalas sila ay biktima ng diskriminasyon, harassment at iba pang paglabag sa kanilang mga karapatan. Dahil sa kakaiba nilang kultura at relihiyon, nahihirapan ang mga kapatid na­ting Muslim na iangkop ang kanilang sarili sa lipunang punong-puno ng palakasan, padrino at impluwensiyahan.

Hindi nararapat na mangyari ito. Mas nararapat lamang na bigyan ng awtonomya ang mga kapatid nating Muslim dahil mas alam nila kung ano ang mas makakabuti sa kanilang paniniwala at pananampalataya.

Kaya naman, labis ang aking tuwa nang maaprubahan ang deklarasyon na ang BBL as urgent dahil matagal nang inaasam ng mga kapatid nating Muslim ang lubos na pagkilala sa kanilang kultura, tradisyon, paniniwala at pananampalataya.

Hindi magtatagal ay magiging batas na ito. Matatamasa na ng bawat Muslim ang matagal na nilang minimithing lubos na karapatan para maisulong ang kanilang interes.

Naniniwala ako na ito ay maibibigay na sa mga kapatid nating Muslim at matitigil na ang anumang hindi pagkakaunawaan at kaguluhang nagaganap ngayon sa Mindanao dahil sa “nagkakaisang mga Filipino, walang imposible!”