Abante Tonite Interactive

Supply ng bigas isang taon dapat – Gatchalian

582

Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat tiyakin ng pamahalaan na mayroon tayong sapat na suppy ng bigas sa merkado para sa loob ng isang taon at hindi lamang sa panahong nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Luzon.

Nagbabala ang senador na ang kasalukuyang imbentaryo ng bigas ay maaaring magdulot ng inflation o pagtaas sa presyo ng mga bilihin dahil mababa ito kaysa “ideal stock inventory” na para sa loob ng tatlong buwan,

Sa pagtaya ni Gatchalian, ang tatlong buwan na imbentaryo ng bigas ay dapat na umabot ng 2,968,875 metriko tonelada subalit batay aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang kasalukuyang imbentaryo sa bigas ng bansa ay nasa 2,375,500 metriko tonelada na tatagal lamang sa loob ng 18 araw.

Bagama’t planong mag-aangkat aniya ang gobyerno ng 300,000 metriko toneladang bigas, nangangamba ang senador na magkaroon ng malaking problema pagdating ng panahon na mahina ang anihan mula Hulyo hanggang Setyembre kung magpapatuloy ang Vietnam na bawasan ang pag-i-export nito ng bigas.

“Ang tanong dito kalian dadating ang karagdagang supply ng bigas dahil ngayon pa lang nagkakaubusan na ng stock sa mga pamilihan,” sabi ni Gatchalian sa isang pahayag nitong Miyerkoles.

Kasabay nito, kinalampag ni Gatchalian ang tanggapan ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na maghanda ng contingency plan para sa loob ng isang taon upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa supply ng bigas sa bansa,

“Ngayong nasa gitna tayo ng isang krisis, ang isa sa pinaka importanteng magagawa ng ating gobyerno ay siguruhin na may sapat sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino. Pero sa nakikita natin ay mayroon nang nangyayaring rice shortage,” babala ng senador.

Samantala, sa Laging Handa Public Briefing nitong Miyerkoles, tiniyak ni Dar na sapat ang supply ng bigas sa bansa at bibili pa ng 1.3 metriko tonelada sa ibang bansa para madagdagan ang imbentaryo nito pagdating ng `lean months’.

“Hindi tayo kukulangin, hindi tayo kakapusin. Ang national rice inventory natin as of March ay good for 25 days. At the end of June mayroon tayong national inventory na 67 days,” paniniguro pa ni Dar nang matanong ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

Tonite – Wendys Inhouse Ad