Abante Tonite Interactive

Survivor ang Pinoy, hindi lang marunong magtanda

By
126

Nakapanlulumo ang mga bidyo at larawan sa pinsalang idinulot ng baha dahil sa habagat.

Sa post ng mga netizen sa social media, kitang-kita ang rumaragasang kulay kayumangging tubig.

Malagkit na putik at burak ang nilinis ng mga biktima nang balikan ang mga iniwang bahay.

Nanggaling sa bundok ang malagkit na lupa, inanod pababa partikular sa mababang lugar ng Lalawigan ng Rizal.

Walang ibang pinagmulan ang mga lupa kundi sa mga kinalbong kabundukan na resulta ng pagmimina.

Dahil halos ubos na ang puno, wala nang kumakapit sa mga lupa. Kaunting ulan lang, aagos agad ang tubig na dala ang banta ng sakuna.

Sa kapatagan, pinalala pa ang baha ng mga basurang bumara sa mga imburnal at bagong gawang ‘anti-flood project’ ng gobyerno. Ang nakapagtataka, ang mga lugar na dating hindi binabaha ay lumubog matapos ang proyekto.

Ang malalaking imburnal na ibinaon sa kalsada ay mukhang hindi gumana. Sa­yang lang ang ginastos na pera mula ito sa pera ng taumbayan. Ang daming naper­wisyo at napinsala.

Hanggang ngayon, ang dami pa ring proyekto ng DPWH sa mga kalsada sa Metro Manila ang nakatiwangwang. Kailan kaya ito makokompleto?

***

‘Survivor’ ang Pinoy, kaya lang, hindi marunong magtanda. Kapag nakaranas ng ginhawa, nakakalimot na.

Sana ang pangyayaring ito ay ma­ging aral sa lahat lalo sa pagbibigay ng proteksiyon sa kapaligiran. Kinansela na ng gobyerno ang lisensiya ng mga nagmimina sa Lalawigan ng Rizal.

Isunod na rin ang iba pang mga minahan sa iba pang panig ng bansa na ang mga lugar nasa ‘delikado’ ng kondisyon.

Pakinggan ang hinaing ng mga komunidad na nakapaligid sa mga minahan, kapag nagkaroon ng sakuna, ‘natural’ man o ‘aksidente’ ang dahilan, mga lokal na pamayanan ang ­unang tatamaan at maaapektuhan.

Ang mga may-ari ng minahan, aalis lang at hahanap ng ibang lugar ng pagkakakitaan.

May nilabag man o wala, panahon na para itigil ang pagmimina sa Lalawigan ng Rizal.

Ang baha ay tiyak na mauulit muli, ang masaklap lang baka ang susunod ay hindi lamang makapal na putik at burak ang dala, mga putol na puno na ang inaanod at tiyak na makapipinsala.