Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Susan payapa ang pagpanaw

0 240

Nagpaalam na ang Reyna Ng Pelikulang Pilipino, si Jesusa Sonora Poe, si Susan Roces, si Manang Inday para sa kanyang malalapit na kaibigan at kapamilya.

Nabigla ang buong bayan nang lumabas ang balitang nagpaalam na siya nu’ng May 20 nang gabi sa Cardinal Santos Medical Center.

Walang anumang balitang lumutang na maysakit pala siya, na isinugod siya sa ospital, napakapayapa ng kanyang pag-alis.
Kuwento ng kanyang malapit na kaibigan at manager na si Tita Dolor Guevarra, “Nagulat kayo dahil wala akong sinasabi. Napakabilis ng mga pangyayari.

“Nagdesisyon si Manang Grace (Senador Grace Poe) na ipa-confine na siya nu’ng May 17 dahil hindi na siya nagkakakain. Kapag kausap ko siya, mahina na ang boses niya.

“Kapag kumakain daw kasi siya, sabi ni Manang Inday, e, isinusuka rin niya, so ayaw na lang niyang kumain. Takot siyang magsabi na meron siyang nararamdaman dahil ayaw niyang maospital siya.

“Maniniwala ka ba na kahit check-up lang, ayaw niya? Mula nu’ng mamatay si Tito Ronnie (FPJ) nu’ng 2004, hindi man lang siya nagpa-check-up, ayaw niya talaga! Sinasarili lang niya ang nararamdaman niya,” unang rebelasyon ni Tita Dolor.
May 20 nang hapon ay tinawagan ni Tita Dolor ang senadora, “Sabihin mo sa akin ang totoong nangyayari, kailangan kong malaman. Pagkatapos naming mag-usap, sinabi ko, pupunta ako sa Cardinal.

“Ayaw ni Manang Grace, napapalakas kasi ng ulan, baha sa Commonwealth, pero kahit pa gaano pa katindi ang baha, sinabi kong pupunta ako. Pagdating namin sa ospital, marami nang nasa kuwarto.

“Bumulong ako kay Manang Inday, ‘Maraming-maraming salamat sa lahat ng tulong at pagmamahal mo sa aking pamilya. Kung napapagod ka na, masakit man, magpahinga ka na, Manang Inday.’

“Hindi na siya conscious, pero pakiramdam ko nu’ng bumulong ako sa kanya, gumalaw ang lips niya. So, lumabas kami ni Manang Grace, nagkuwentuhan kami.

“Maya-maya, lumapit sa amin si Jeffrey na pamangkin niya, pinatatawag ng doktor si Manang Grace sa loob ng kuwarto. Bumalik sa akin si Manang Grace, ‘Wala na si Mama.’

“Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Mahirap tanggapin na basta na lang ganu’n dahil kami ang magkausap sa araw-araw. Mula umaga hanggang gabi, kami ang magkakuwentuhan.

“Cardio pulmonary arrest ang cause ng death ni Manang Inday. Napakatahimik niyang umalis, natulog lang siya, payapang-payapa ang pagkamatay niya,” basag ang boses na kuwento ni Tita Dolor.

Lee Min Ho paborito ni Manang Inday

Kapag walang taping sa Ang Probinsyano si Manang Inday bilang si Lola Flora ay bumibiyahe siya sa Lipa City. May farm du’n si Manang Inday. Isa siyang magaling na plantita.

Ilang buwan na ang nakararaan ay naipagawa pa ng aktres ang kanyang bahay sa farm, nakapagtanim pa siya ng mga gulay, hanggang sa magkaroon na siya ng ulcer na gumaling naman.

Kuwento ni Tita Dolor, “Ininuman lang niya ng gamot, hindi siya nagpa-check-up, kahit anong pilit namin ni Manang Grace, ayaw niya. Minsan lang niya akong sinunod, nu’ng papuntahin ko siya kay Dr. Arnold Salud, meron na pala siyang cataract, pero ayaw niya namang magpaopera dahil matanda na raw siya.

“Paborito niya kasi ang Korean actor na si Lee Min Ho. Maniwala ka, alam na alam ni Manang Inday ang lahat ng impormasyon tungkol kay Lee Min Ho!

“Pati ang parents ni Lee, kilala na niya sa kapapanood niya ng buhay ni Lee sa You Tube! ‘Yon ang naging libangan niya habang nasa bahay siya.

“Ayaw na niyang maglalabas ng kuwarto niya, kapag sinasabihan ko siyang maglakad-lakad, okey lang daw naman siya. Ganu’n si Manang Inday, ayaw niyang meron siyang inaabala.

“Kapag kasama siya nina Manang Grace, maayos siya, wala siyang sinasabing masakit sa kanya, ayaw niya talagang pinoproblema siya ng ibang tao,” pag-alala pa ni Tita Dolor.

Paalam sa Reyna ng Pelikulang Pilipino

Paalam sa Reyna Ng Pelikulang Pilipino. Paalam sa personalidad na nirerespeto ng buong industriya at ng ating mga kababayan.

Paalam sa aktres na namuhay nang simple sa kabila ng kanyang kayamanan at katanyagan. Paalam sa reynang marespeto sa kanyang kapwa at handang makipaglaban para sa kanyang pamilya at mga kaibigan.

Maraming salamat po sa mga alaalang iniwanan n’yo sa amin, ang bayong-bayong na gulay mula sa inyong farm, ang paglalambing sa masarap na bigas mula sa Nueva Ecija na nagpapadagdag sa inyong gana sa pagkain.

Sa edad na otsenta ay nagawa n’yo na ang makapagpapasaya sa inyo, natupad na ang lahat ng mga pangarap n’yo, at pagkatapos nang labingwalong taon ay magkasama na uli kayo ngayon ng nag-iisang lalaking inyong minahal—si Fernando Poe, Jr..

Hindi po namin makakalimutan ang inyong sinabi nang pumanaw si FPJ, “Para hindi ka nalulungkot sa pagtulog kapag pumanaw ang mahal mo, kung saan siya nakahiga, ‘yon ang kunin mong posisyon.

“Wala ka nang hahanapin, hindi ka na masyadong malulungkot, dahil inokupa mo na ang paborito niyang lugar kapag magkatabi kayo.”

Mapayapa pong biyahe, Reyna Ng Pelikulang Pilipino, paalam sa mahal naming si Manang Inday.

Leave A Reply

Your email address will not be published.