Abante Tonite Interactive

Suspek, biktima sa Taguig hostage drama agaw-buhay

529

Agaw-buhay na isinugod sa pagamutan ang dalawang lalaki sa halos kalahating oras na hostage-taking sa Brgy. Bagumbayan, Taguig City kahapon nang hapon.

Nilalapatan ng lunas sa Taguig Pateros District Hospital ang biktimang si Ricardo Sanchez, miyembro ng Barangay Security Force ng Bagumbayan dahil sa tinamong saksak sa kanyang ulo.

Ginagamot din sa nasabing ospital ang suspek na kinilalang si Marlon Malvecino, nasa hustong gulang at nakatira rin sa nasabing barangay, dahil sa isang tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan nito.

Ayon kay Sr. Supt. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, dakong mag-aalas-tres ng hapon nang humingi ng tulong sa pulisya ang mga kaanak ng suspek para ipahuli ito dahil sa pagwawala sanhi ng matinding galit.

Rumesponde ang mga pulis at inabutan nila ang suspek na armado ng isang patalim at matulis na kahoy habang hawak ang biktimang si Sanchez.

Habang kinakausap ng mga awtoridad ang suspek ay bigla nitong sinaksak sa ulo ang biktima.

Nang aktong sasaksakin ulit ng suspek ang biktima ay binaril na siya ni PO1 Israel Razon.

Nabatid kay Santos na madalas umanong gumala ang suspek sa kanilang lugar at laging wala sa sarili.

Inaalam pa kung gumagamit ng droga ang suspek at kung naka-droga ito nang maganap ang pangho-hostage.

Sasampahan ang suspek ng mga kasong alarm and scandal, attempted homicide, illegal possession of deadly weapon at direct assault sa Taguig City Prosecutor’s Office. (Armida Rico)