Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Suspek sa lady driver murder: Wala ako sa crime scene!

0 507

Mariing itinanggi ng inarestong babaeng suspek na siya ang utak ng pamamaslang sa isang dalagang rent-a-car driver sa Calamba City, Laguna.

Inilahad ni Ann Shiela Belarmino, 20-anyos, na wala siya sa crime scene ng mangyari ito dahil nakikipag-inuman umano siya sa ibang lugar.

Hindi rin aniya nakuhanan sa CCTV na sumakay siya sa unahan ng kotse ng biktimang si Jang Lucero kasama ang dalawang lalaki.

“Hindi ako `yon, posibleng ginaya lamang ang itsura ng buhok ko at ang tattoo na nasa likod ko para madiin ako,” ani Belarmino.

Sa kuha ng CCTV nakita sa likod ng isang babaeng suspek ang black tattoo.

Aminado naman si Belarmino na dating kasintahan niya ang dyowa ni Lucero na taga-Bay, Laguna subalit nakipaghiwalay na umano ito matapos malaman niya na nakikipagmabutihan ang ex sa pinaslang na dalaga.

Subalit hindi naman umano siya nasaktan sa paghihiwalay nila dahil hindi naman niya ganoon kamahal ang ex.

Umaasa si Belarmino na lalabas ang katotohanan sa imbestigasyon.

Subalit para naman sa pulisya, matibay ang kanilang kaso laban kay Belarmino.

Ayon kay Brig. Gen. Vicente Danao Jr., regional director ng CALBARZON Provincial Police Office, bukod sa kuha ng CCTV, may mga testigo sila na nakakita na si Belarmino ang mismong sumakay sa kotse ng biktima sa harap ng isang convenience store sa Calamba.

Inihayag pa ng pulisya na si Lucero pa ang nagmamaneho sa kanyang for hire na kotse nang sumakay ang mga suspek at doon ito pinagsasaksak ng 53 beses ng mga suspek. Posible anyang isa ang humawak o pumigil sa biktima habang sinasaksak ito ng alinman sa dalawa pang suspek.

Tinatawagan naman ni Danao ang iba pang suspek na sumuko na lalo pa at mayroong `less participation’ ang mga ito sa krimen para gumaan ang kakaharapin nilang kaso at maging testigo. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.