Abante Tonite Interactive

Suspek sa nakawan, pinagbabaril

By
11

Patay ang isang lalaki na umano ay pinaghihinalaang nagnanakaw ng mga nawawalang kagamitan sa kanilang lugar matapos pagbabarilin ng dalawang di pa nakikilalang lalaki sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.

Ganap umanong ala-1:00 pasado ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa labas lamang ng bahay ng biktimang si Wilbert Sengco, 47, sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan.

Kasalukuyan umano noong nakatayo sa harap ng bahay ang biktima nang dumating ang dalawang kalalakihan, lapitan ang suspek at bigla na lamang nagsibunot ng baril ang mga ito at sabay na malapitang pinaputukan ng ilang ulit ang biktima na agaran nitong ikinasawi.

Nasa apat na tama ng bala sa kanyang ulo, dibdib at iba pang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima at nang matiyak na patay na’y agad ding umalis na ayon sa ilang mga nakasaksi ay naglakad lamang palayo.

Nasa apat na basyo ng bala mula sa .45 caliber na baril ang narecover sa pinangyarihan ng krimen.

Napag-alaman sa ilang mga residente na pinagbibintangan umano ang biktima na nagnanakaw ng mga kagamitang nawawala sa kanilang lugar, isa na dito ang tricycle ngunit hindi naman umano napatunayang ito ang tumangay.