Abante Tonite Interactive

Suspek sa nilikidang DOLE exec nahagip ng CCTV

0 192

Nahagip ng CCTV ang apat na suspek na nakasakay sa dalawang motorsiklo na sinasabing nasa likod ng pananambang sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Nobyembre 3 ng hapon sa Malvar St. Malate, Maynila.

Ayon kay NCRPO Police Brig. Gen. Debold Sinas, nakita sa CCTV ang paglabas sa kanyang tanggapan ng biktimang si Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer na nakatalaga sa DOLE Manila head office, at residente ng Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite.

Nakita sa CCTV na sinundan ng dalawang suspek ang kotse ni Dacanay na Honda Brio (ACA-7338) at habang binabaybay ang Malvar St., pagitan ng Singalong at Benitez St., ay nakita ring bumaba sa sinasakyan nilang motorsiklo ang dalawang suspek at naghintay sa daraanan ng biktima. Pagtapat sa kanila ay saka pinagbabaril si Dacanay.

Kasunod nito ay nakita ang mga suspek na sumakay muli sa motorsiklo at iniwan ang motor sa Linao St., bago sumakay ng tricycle ang dalawang suspek. Ilang sandali pa ay may duma­ting na lalaki at sumakay sa iniwanang motor ng suspek.

Hinala ng pulisya na mga hired killer ang ‘yumari’ kay Dacanay.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang MPD-homicide section sa imbestigasyon para matukoy ang motibo sa pagpaslang. (Juliet de Loza-Cudia)