Abante Tonite Interactive

Suspek sa pagpatay sa ulirang ama arestado makalipas ang isang taon

320

Sinabi naman sa TUGIS ni Lalie na sa kahilingan na rin ng tatlong anak ni Domeng, dinala nila ang bangkay ng asawa sa kanilang sinilangang bayan sa San Nicolas, Batangas upang doon maiburol at masilayan ng mga kaanak at kaibigan ang kanyang bangkay.

Sa walong araw na burol at pagluluksa ni Lalie at buong pamilya Panganiban, halos gabi-gabi ay puno ng mga nakikiramay kaya’t hindi na nakapagtataka kung bumuhos man ang luha at panghihinayang nang ihatid siya sa huling hantungan sa Lemery Memorial Park noong Disyembre 5, 2018.

Nang makarating naman sa kaalaman ni Navotas police chief Senior Supt. Ramchrisen Villa Haveria, Jr.ang pangyayari, kaagad niyang binuo ang tracker team mula sa Police Community Precinct (PCP) 3 upang magsagawa ng malawakang pag-TUGIS sa mga salarin.

Nakakuha rin ng kopya ng nakakabit na close circuit television (CCTV) camera ang mga imbestigador at dito nila nalaman na bago pa mang dumating ang biktima ay paikot-ikot na ang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa lugar.

Sa kuha ng CCTV, galing sa Market 3 sa loob ng Navotas Fish Port Complex ang mga suspek, at nang makita na ang kanilang target ay tinabihan hanggang sa barilin ng dalawang beses ng back rider ng malapitan sa ulo ang biktima na namatay noon din.

Sa kuwento naman ni Lalie sa TUGIS, matapos aniya ang pagpatay ay nakita sa CCTV ang pagtakas ng mga suspek patungo sa Barangay Bangkulasi at doon ay bumaba ang gunman para siya naman ang magmaneho ng motorsiklo.

Nagtanggal aniya ng helmet ang gunman kaya’t marami ang nakakilala sa kanya bagama’t isa man ay tumangging tumestigo sa takot na sila naman ang balikan ng suspek.

Noong Disyembre 8, 2018, nakasilip ng tagumpay ang kapulisan sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng pagpaslang kay Domeng makaraang madakip ng mga tauhan ng Navotas Station Drug Enforcement Unid (SDEU) si Archie Debuyan, alyas “Che-Che”, 25 taong gulang ng Market 3 Navotas Fish Port Complex na kalive-in ng bumaril kay Domeng.