Abante Tonite Interactive

Suspek sa pagpatay sa ulirang ama arestado makalipas ang isang taon

466

Part 9

Sa edad na 36, tinanggap ni Lalie ang alok na pagpapakasal sa kanya ni Domeng kaya’t maging ang tatlong anak ng biyudo ay natuwa dahil hindi iba sa kanila ang magiging panga­lawa nilang ina na magpapa­saya sa buhay ng kanilang ama.

Sinang-ayunan din ni Domeng ang kagustuhan ni Lalie na makasal sila sa lalawigan ng Isa­bela lalo na’t matagal na nanirahan doon ang pamilya at may kakilala na rin siyang pastor na magkakasal sa kanila.

Buwan ng Hunyo ng taong 2014 nang ikasal sina Domeng at Lalie sa lalawigan ng Isabela bago sila nagpasyang bumalik na muli muna sa kanilang bayan sa San Nicolas, Batangas upang ipabatid ng lalaki sa kanyang mga magulang ang kanilang plano ng asawa na sa Maynila manirahan.

Nang tumuntong sa kolehiyo sa Lyceum of the Philippines University sa Kumintang Ibaba, Batangas City ang panganay na anak ni Domeng na si Maria Fe na sinundan pa ng bunsong anak na si Marisol, lumaki ang gastusin sa pag-aaral ng mga bata kaya’t tumulong na rin si Lalie sa asawa sa paghahanapbuhay.

Lalo pang nagsumikap ang mag-asawa nang magsimula na ring mag-aral sa Rizal College of Taal, Batangas ang bunsong anak ni Domeng na si Morris na nagpasyang kumuha ng kursong Tourism.

Sa pahayag ni Lalie sa TUGIS, kinailangan niyang tulungan si Domeng sa paghahanapbuhay dahil hindi lang ang kanyang asawa kundi ma­ging siya man ay may res­ponsibilidad na rin sa pagtupad ng pangarap na mapagtapos sa kolehiyo ang mga bata.