Abante Tonite Interactive

Suspek sa pinatay na biyuda nasakote

617

Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang lalaking suspek sa pagpatay sa isang 74-anyos na biyuda sa loob ng bahay nito sa Paranaque City Biyernes ng gabi noong nakaraang linggo.

Kinilala ni Col. Robin Sarmiento, hepe ng Paranaque City Police ang suspek na si Adrian Del Rosario, 28-anyos, isang construction worker at residente ng Las Piñas City.

Ayon kay Sarmiento, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroronan ng suspek sa Las Pinas hanggang sa matunton ng mga pulis kung saan ito nagtatago.

Matatandaang natagpuan ng kanyang mga kapitbahay ang biktimang si Sonia Moral na duguan at wala nang buhay sa loob ng tahanan nito sa Marcelo Green Village bandang alas-10:00 ng gabi noong Biyernes, Marso 20.

Sinabi ni Sarmiento, nagpunta ang mga awtoridad sa bahay ng biktima dahil hindi na umano tumutugon sa tawag ng mga kapitbahay ang biyuda.

Sa pagtaya ng pulisya posibleng nangyari ang insidente ng pagpaslang sa biktima sa pagitan ng alas-tres ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi batay sa pagsisiyasat ng mga rumespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District.

Pinasok ng mga awtoridad ang bahay at doon nakita ang bangkay ng biktima na batay sa imbestigasyon ay nagtamo ng tinatayang 30 saksak sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Pagnanakaw ang unang motibo na nakikita ng mga pulis dahil nakakalat sa bahay ang ilang piraso ng pekeng alahas umano ng biktima.

Napag-alaman ng mga awtoridad na mag-isa lamang sa bahay ang biktima dahil nasa ibang bansa ang mga anak nito at tinitingnan lang siya ng mga kapitbahay.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa Paranaque City Police Station at sasampahan ng kasong murder.

Tonite – Wendys Inhouse Ad