Abante Tonite Interactive

Suspendidong BJMP officer sa Cavite huling ‘bumabatak’

297

Hindi na nakatanggi pa ang isang suspendidong miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at tatlo pang kasamahan nito nang ares­tuhin ng mga elemento ng Tanza Police habang nasa aktong sumisinghot ng shabu sa bahay ng una sa Tanza, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Tanza Custodial Center ang mga suspek na sina SJO2 Melandro Lee, 54-anyos, miyembro ng BJMP escorting team at residente ng Blk 32, Lot 5, Phase 2, Carissa Homes, Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite; ang live-in partner nitong si Milet Tulipas, 54; Marvin Palomino, 25, construction worker, at Domingo Padilla, 43, kapwa residente ng Carissa Homes, Brgy. Bagtas, ­Tanza, Cavite.

Sa report ni SPO2 Roberto Lacasa ng Tanza Municipal Police Station, dakong alas-11:30 ng gabi nang magsagawa ng operasyon sa mismong bahay ni Lee makaraang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na umano’y may iligal na ginagawa sa bahay ng huli nang mapansin na labas-masok ang tao sa kanyang bahay.

Pagpasok ng mga elemento ng Tanza police sa bahay ni Lee, naaktuhan ang mga ito sa aktong sumisinghot ng shabu.

Nakuha mula sa mga suspek ay mga shabu paraphernalia, mga sachet ng shabu, aluminum foil at aluminum tooter kung saan nakarolyo ang shabu, isang kalibre 45 na baril at 15 bala nito.

Ayon sa taga-BJMP-Tanza na tumangging magpakilala, dalawang buwan pa lamang umanong nagdu-duty si Lee sa naturang piitan nang lumabas ang kanyang suspension order na nagsimula noong Enero 2018 hanggang sa kasalukuyan.

Kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 13 ng RA 10591 ang isinampang kaso laban sa mga suspek. (Gene Adsuara/Rossel Calderon)