Abante Tonite Interactive

Suspensyon ng Barangay at SK election pinaspasan ng Kamara

By
2,090

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, isang araw matapos lumusot sa committee level.

Sa pamamagitan ng viva voce voting ay nakaabante ang House Bill (HB) 7378 para maipagpaliban ang halalang pambarangay sa Mayo 14 at ilipat ito sa Oktubre 8.

Idinepensa sa plenaryo ni House committee on suffrage and electoral reforms chairman at CIBAC Rep. Sherwin Tugna ang naturang panukala at inihayag na salig sa Konstitusyon ay may kapangyarihan ang Kongreso na ilipat ang petsa ng halalan.

Aminado rin ang mambabatas na maaaring isabay ang plebisito para sa Charter hange (Cha-cha) sa halalang pambarangay sa Oktubre.

Kapag naisabatas, pangatlong beses ng maipagpapaliban ang Barangay elections.

Inaasahang aaprobahan na ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara sa susunod na linggo bago mag-break ang Kongreso para sa paggunita ng Semana Santa.

Para naman kay Vice-President Leni Robredo, sa halip na paulit-ulit na ipagpa­liban ang barangay at SK elections ay makabubuting habaan na lamang ang termino ng mga opisyal ng barangay.

“Rather than i-postpone nang i-postpone, bakit hindi na lang tingnan pagbaha ng terms nila. Parang hindi na acceptable sa karamihan na parati lang nakabitin kung may eleksyon o wala, kasi iyong essence ng demokrasya naman eleksyon,” wika ni Robredo.