Abante Tonite Interactive

SUV sumalpok sa tricycle, 5 todas

300

By Edwin Balasa

Patay ang limang pasahero ng isang tricycle nang salpukin ito ng sport utility vehicle na nawalan ng kontrol matapos pumutok ang isang gulong nito bago magtanghali noong Sabado sa Matalam, Cotabato.

Kabilang sa nasawi ang tricycle driver na si Ahmed Mamadra at asawa nitong si Pai Mamadra.

Namatay naman habang ginagamot sa ospital ang tatlong pang sakay ng tricycle na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Samantala, hawak na ng Matalam Municipal Police Station si Andong Baraquir, ang driver ng Toyota Innova na sumalpok sa tricycle.

Sa ulat na ipinadala ni P/Maj. Bryan Placer, hepe ng Matalam Municipal Police Station sa Cotabato Police Provincial Office, naganap ang insidente pasado alas-11:00 nang umaga sa Brgy. Kilada ng nasabing bayan.

Magkasalungat na binabagtas ng SUV at tricycle ang kalsada nang pumutok ang isang gulong ng sasakyan ni Baraquir.

Batay sa pahayag sa himpilan ng pulisya ng ilang nakasaksi sa insidente, nawalan ng kontrol ang SUV hanggang sa mapunta ito sa kabilang linya kung saan eksakto namang paparating ang tricycle.

Tumilapon ang mga biktima dahil sa lakas ng pagkakasalpok sa tricycle at agarang nasawi ang mag-asawang Mamadra. Sinubukan namang isugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlo pang biktima pero namatay din ang mga ito habang nilalapatan ng lunas.