Abante Tonite Interactive

Suwerte at lakas ng loob

By
345

Tulad ng ibang card games, hindi mawawala ang elemento ng su­werte sa larong poker.

Pero hindi ka rin naman susuwertehin kung wala kang lakas ng loob.

Naging puhunan ni Edmund Eng ng Singapore ang lakas ng loob tungo sa kanyang panalo sa P8,000 No Limit Holde’em event ng Asia Pacific Poker Tour (APPT) na ginanap noong Martes sa City of Dreams.

Nakuha niya ang top prize na P254,000.

Isa sa mga short stack si Eng noong limang manlalaro na lamang ang natitira sa final table nang itulak niya ang lahat ng chips niya hawak ang 9-6 off-suit cards.

Big blind ang chip leader sa hand na iyon at ang hawak nitong baraha ay pocket queens kaya naman agad itong nag-call.

Tumayo na si Eng at napailing nang makita ang pocket queens at handa na itong umalis matapos nabasura ang lumabas sa flop.

Pero bigla itong nabuhayan matapos lumabas ang 6 sa turn at napasigaw nang lumabas ang isa pang 6 sa river.

Napaungol naman ang mga miron at ang napailing na lang ang chip leader dahil kung naipanalo niya ang hand na iyon ay lalong lolobo ang lamang niya at tatlo na lang ang kalaban na matitira.

Pero ganu’n talaga ang poker.

Sabi nga natin sa ating mga nakaraang kolum, kahit ang pinakamahinang hand ay puwedeng talunin ang pinakamalakas na hand kapag pinaboran ka ng community cards.

Naging mas masakit nga lang ang nangyari sa chip leader dahil sa huling dalawang community cards pa lumabas ang baraha na magpapatalo sa kanya.

Sabi nga sa wikang Ingles, “he caught his opponent bluffing but he’s the one who ended up getting busted.”
Grabe, pocket queens tinalo ng 9-6 off-suit!

Pasensiya na ang hirap mag-move on. Ako po kasi ang chip leader na tinalo ni Eng.