Abante Tonite Interactive

Suwerte lang kami sa Game 2 — Austria

440

Gumana ang eksperiyensiya ng San Miguel Beer Lunes nang gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kalmadong inahunan ng Beermen ang 12-puntos na pagkakaiwan para ikahon ang 92-82 panalo kontra Phoenix tungo sa 2-0 lead sa PBA Philippine Cup semifinals.

Ejected si Christian Standhardinger sa second quarter, rumesponde sina Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Chris Ross at Terrence Romeo para suportahan si June Mar Fajardo.

Nilista ni Lassiter ang siyam sa kanyang game-high 24 points sa fourth quarter nang kumalas ang SMB.

Tumapos si Fajardo ng 19 points at 18 rebounds at nasundan ng Beermen ang 100-88 win sa opener ng best-of-seven series.

“We’re lucky we were able to escape from this game,” bulalas ni Beermen coach Leo Austria.

Thrown out si Standhardinger 6:10 pa sa second nang mapituhan ng flagrant foul 2 kay Calvin Abueva habang nagbabalyahan sila sa rebound at lamang ang Fuel Masters 35-26.

Kita sa first half ang kahandaan ng Phoenix, pero hindi kinabog ang four-time champions.

Sa likod nina Von Pessumal, Lassiter at Fajardo, bumalik ang Beermen mula 40-28 deficit para itabla sa 66 papasok ng fourth.

“Everything that we do, they knew how to stop us,” dagdag ni Austria. “Fortunately, our players refused to lose. They know the importance of this game, maybe because of their experience.”

Binasag ng layup ni Cabagnot ang huling deadlock sa 76, sinundan ng 3 ni Ross. Matapos idikit nina Alex Mallari at Jason Perkins ang Fuel Masters 81-80, si Lassiter naman ang nagbaon ng dagger three. (Vladi Eduarte)