Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Suwitik nalambat sa mobile app

0 127

Nakatulong ang isang mobile application sa pagkakaaresto ng isa sa dalawang suspek na tumangay ng P.5 milyong halaga ng mga gadget at mamahaling relo ng isang negosyante sa Silang, Cavite Sabado ng gabi.

Hawak ngayon ng Silang Police ang suspek na si Arvin Nobleza, 25, binata, ng Brgy. Calimag, General Mariano Alvarez (GMA), Cavite habang pinaghahanap pa ang kasamahan nito na si Mhervin Estrada, nasa wastong edad, ng Brgy. Dacon, GMA.

Sa ulat ni Corporal Ralph Jayson Santos ng Silang Police Station, base sa CCTV footage, ala-1:00, Sabado ng madaling-araw, nang napunang nagmamatiyag ang dalawang suspek sa bahay ng biktimang si Marlon Vedar, 41, sa Brgy. Iba, Silang.

Alas-3:12 ng madaling-araw, lumabas ang dalawa sa bahay bitbit ang mga tinangay, at alas-7:00 ng umaga, nadiskubre ng biktimang nawawala ang kanyang Samsung Galaxy S10 (P40,000), dalawang MacBook laptop (P140,000), dalawang iPod (P50,000); Samsung Z Fold (P50,000), at relos na Rolex (P300,000) o kabuuang P580,000.

Agad nakipag-ugnayan ang biktima sa pulisya kung saan base sa locator application mula sa ninakaw na iPod ay natunton ang kinaroroonan ng suspek na nasa Divimall, GMA, Cavite.

Alas-6:00 ng hapon, kamakalawa, nagsagawa ng operasyon ang Silang Police kung saan naaktuhan si Nobleza sa aktong ibinebenta ang ninakaw na Galaxy S10 sa isang tindahan sa Divimall. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.