Abante Tonite Interactive

Suzara sinibak sa Phisgoc

399

‘Di na maitatago ang pagkukumahog ng bansa na maisaayos ang asam na pinakamagandang pagdaraos sa 30th Southeast Asian Games 2019 tapos ang sorpresang pinatawag na Inventory and Assessment of All Committees for SEA Games 2019 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Lumutang ito sa pulong ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) nitong Lunes kung saan binuo ang isang Crisis Committee upang agad na masolusyunan ang mga nakabinbing problema.

Napagdesisyunan din sa nasabing pagtitipon ang pagsibak sa kinuha para planuhin ang pagbuo ng istraktura at tagapagplano sa kada dalawang taong paligsahan sa tumatayong chief operating officer (COO) na si Ramon ‘Tatz’ Suzara.

Inihayag ni House Speaker Alan Cayetano, na siya ring chairman ng Phisgoc kung saan si Suzara ay nakatakdang palitan ng isang grupo ng mga sports official upang mas mapadali ang mga aksiyon sa bawat bagay.

Kasalukuyang nasa Tokyo, Japan si Suzara para dumalo sa isang responsibilidad sa 32nd Summer Olympic Games 2020 volleyball tournament.

Una nang nagpatawag si Team Pilipinas Chef de Mission at PSC Chairman William “Butch” Ramirez ng ikalimang consultation conference nitong Biyernes tapos ng reklamo ng maraming national sports associations (NSAs) hinggil sa kawalan ng kahandaan sa kanilang mga paggaganapang lugar at ng mga equipment na kailangan para sa SEA Games sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Kinabahala ni Ramirez ang natitirang 72 araw bago ang pagho-host ng mga Pinoy 11-nation, 12-day sportsfest dahil sa halos ‘di pa nakukumpleto ang 61 requests para sa mga kailangang equipment. (Lito Oredo)