Abante Tonite Interactive

Suzuki magreretiro na?

By
2,113

Hindi na mapigilan ang Sayonara season ng pinakamaangas na alamat ng Japan sa baseball, si Ichiro Suzuki.

Hindi pa nagreretiro si Ichiro, pero doon na rin papunta matapos siyang italaga sa front office ng Seattle Mariners bilang special assistant to the chairman.

Itinuturing na national treasure si Ichiro sa Japan, nitong Biyernes ay siya lang ang laman ng Japanese TV talk shows, news at social media. Pinalabas pa ang historical footage ng mga laro ni Ichiro sa Orix Buffaloes bago siya kinuha ng Mariners noong 2001.

Sa backdrop ng bawat balita, ang sikat niyang No. 51 jersey.

“I was choked up,” pahayag ng ama niyang si Nobuyuki Suzuki.

Sa mga tweets sa Japanese nitong Biyernes, tinatawag siyang “baseball scientist” o “student of the game” at “role model for small baseball” – estilo na isasakripisyo ng batter ang contact para maka-steal ng base o para makumpleto ang hit-and-run.

Dahil sa semi-retirement na binasag nitong Huwebes, mukhang hindi na nga maglalaro si 44-year-old Ichiro sa buong 2018 season.

Naging 2001 AL (American League) Rookie of the Year at MVP si Ichiro sa Mariners, nai-trade sa New York Yankees sa kalagitnaan ng 2012, bago nakatatlong seasons sa Miami.

Nakaipon ang 10-time All-Star ng 3,089 hits, hindi kasama ang 1,278 niya sa nine seasons sa Japan. (VE)