Abante Tonite Interactive

Swiss Challenge

By
1,428

Nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na repasuhin ng kongreso ang republic act 9184 o government procurement law para lubos na mapakinabangan ng taumbayan ang mga proyektong pang impratraktura ng pamahalaan.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, inaatasan ang mga ahensiya ng pamahalaan na ipagkaloob ang anumang kontrata sa materyales, imprastraktura at mga proyektong babayaran ng buwis ng taumbayan sa pinakamababang bidder.

Naniniwala ang pangulo na ang batas ay dispalinghado at lubhang malaki ang disbentahe sa taumbayan. Hindi anya nito pino-promote ang kalidad sa mga proyekto na hindi lubos na mapapakinabangan ng mamamayan.

Sa kasalukuyan, napatunayan na ang mga proyekto ng gobyerno sa ilalim ng kasalukuyang batas ay masyadong mababa ang kalidad. Mula sa mga kalsada na wala pang isang taon ay bakbak na, sa mga silid aralan na hindi man lang tumatagal ay nabibiyak na, hanggang sa mga pabahay ng gobyerno na maski aso ay mahihiyang tumira.

Hindi mo naman masisisi ang mga kontratista dahil tali ang kanilang kamay na pababain, pamurahin ang gastos sa isang proyekto dahil sa mga S-O-P na tinatawag ng mga korap na opisyales ng pamahalaan. Ayon sa ilang mga impormasyon, 30 percent ng kabuuang halaga ng proyekto ay napupunta sa S-O-P(padulas) sa mga opisyales. Mula sa mga korap na opiyales ng mga departamento sa gobyerno, hanggang sa mga korap na miyembro ng lehislatura na siyang nagrerekumenda ng proyekto at namimili ng contractor, ay pumoporsiyento.

Dahil dito, naniniwala ang pangulo na hindi nakatipid, bagkus ay napamahal pa ang taumbayan sa ilalim ng batas. Hindi rin naging epektibo ang batas na masawata ang korapsiyon.

Lubos na tinataguyod ng pangulo ang Swiss Challenge sa mga proyekto ng pamahalaan. Sa ilalim ng swiss challenge, nakatatanggap ng mga unsolicited bid ang pamahalaan sa isang particular na proyekto. Inilalathala ito sa pahayagan para imbitahan ang ibang mga bidders na hamunin ang bid sa proyekto. Ginagawa itong moda ng ibang gobyerno sa pagbibugay ng kontrata bagamat hindi ito madalas gamitin. Dati na rin ginamit ito sa ilang proyekto sa pilipinas bago pa man maisabatas ang RA 9184.

Isa ito sa mga pambihirang pagkakataon na sinasang ayunan ko ang pangulong duterte. Nuon pa man ay halata nang hindi epektibo ang batas sa pagpapalaganap ng good governance. Hinanapan ng butas at pinaiikutan ng mga korap ang batas sa procurement.

Kung meron mang pagkakataon na dapat na iparamdam ng pangulong duterte ang kanyang impluwensiya sa kongreso, ito na yun. isa ito sa mga dapat trabahuhin ng kongreso sa lalong madaling panahon.

Ramdam na ng taumbayan ang epekto ng kapapasa pa lamang ng train law. Taliwas sa mga pahayag ng pamahalaan, malaki ang epekto nito sa mga pangunahing bilihin.

Ang pangako ng pamahalaan ay ang malilikum na pondo sa panibaging pagbubuwis ay gagamitin sa kanilang BUILD BUILD BUILD projects.

Maiibsan ang pasakit ng taumbayan kung makikita namin na ang katagdagang perang ginagatas sa amin ng gobyerno ay napupunta sa mga makabuluhang proyekto at hindi sa kamay ng mga magnanakaw. Lubhang umaasa ang taumbayan sa pangakong ito.

We expect nothing less. Baliin ninyo ang pangakong yan, malamang pulutin kayo sa kangkungan…