Abante Tonite Interactive

Switzerland foundation tutulong kontra terorismo

348

By Dolly Cabreza

Nangako ang isang international fun­ding agency na magkakaloob ng US$3 milyon sa mga civil society organization sa Pilipinas para sa kanilang inisyatiba laban sa terorismo sa mga pamayanan.

Ipinahayag ni Department of the In­terior and Local Govern­ment (DILG) Secretary Eduardo Año na ang Glo­bal Community Engage­ment and Resilience Fund (GCERF), isang non-profit foundation sa Switzerland, ay nakipagtambalan sa pamahalaan ng Pilipinas at ngayo’y inaanyayahan ang mga CSO na magpahayag ng kagustuhan na makatanggap ng ayuda.

“Isa sa mga prayo­ridad ng DILG ay ang pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng pamayanang Pilipino sa pamamagitan ng paglaban sa violent extre­mism. Ngayong katuwang na natin ang GCERF na tuparin ang nasabing hangarin, mas magiging empowered ang mga pamayanan sa paglaban sa isyung ito,” paliwanag ni Año.

Ayon kay Año, ang magiging pokus ng pondo mula sa GCERF ay ang bahagi ng Mindanao at iba pang lugar sa bansa tulad ng Luzon at Metro Manila na malimit na target at biktima ng terorismo.