Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sydney silver sa kurash

0 41

Bumalibag ng karagdagang tig-isang silver at bronze medals ang Philippine Kurash team upang maiangat na nila sa 3 silver at 3 bronze medals ang kanilang kabuuang nakukulekta sa ikalawang araw ng Kurash event sa 31st Southeast Asian Games sa Hoai Duc Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Kinapos sa gintong medalya si dating five-time World Sambo bronze medalist Sydney Sy Tancontian nang mabigo kay dating Olympian judoka Aye Aye Aung ng Myanmar via 1-0 sa women’s +87kgs division.

Ito na ang ikalawang beses na pagkatalo ng third year UST judoka student-athlete na si Tancontian laban sa Burmese judoka mula nang magtapat ang dalawa noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa women’s heavyweight division ng judo, kung saan nagtapos bilang silver si Aung at bronze medal si Tancontian.

SM food to go Banner Ad

Sa kanyang daan patungo sa championship match ay nakauna ng dalawang sunod na panalo ang 2020 UAAP Rookie of the Year na si Tancontian kontra kina Nor Izzatul Fazlia Mohamad Tahir ng Malaysia via 1-0 at Thi Thanh Thuy Tran ng Vietnam na kinalauna’y nakuha ang bronze medal kasama ang kababayang si Hoang Bui Thuy Linh sa isa pang tanso.

Napantayan naman ni playing-coach Al Rolan Llamas ang kanyang 2019 performance sa panibagong bronze medal sa men’s 60kgs category, habang nabigo naman si Adrian Josef Perillo sa men’s 66kgs. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.