Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sympathy vote kay De Lima?

0 117

Ilang araw bago ang botohan sa Mayo 9, makahabol pa kaya sa biyahe pabalik ng Senado ang nakadetineng si Senador Leila de Lima matapos bawain ng ilang testigo ang mga testimonya nila na sabit siya sa kalakaran ng ilegal ng droga sa Bilibid?

Pero bago ‘yan, may mga tropapips tayo na nakikitang makakaladkad ang frequency na channel 2 sa labanan ng dalawang kandidato sa pagkapangulo na sina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos.

Hindi man aminin ng mga Kapamilya, tiyak na mabubuhayan sila ng dugo na mabawi ang Channel 2 na ibinigay “with temporary permit” sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS) ng ultra-bilyonaryo na si Manny Villar kapag si Leni ang nanalong pangulo.

May isang sikat na talent kasi sa Kapamilya ang nagmarunong at nagsabing na hindi na raw mababawi ang “prangkisa” nila dahil naibigay na raw sa iba. Kaya hindi raw dapat sabihin na iyon ang dahilan kaya marami sa kanila ang maka-Leni.
Pero mali ang paliwanag ng sikat na Kapamilya. Ang totoo kasi, ang frequency o channel ang ibinigay ng NTC sa AMBS. Ang prangkisa, puwede ring kumuha ang ABS-CBN para makapag-operate sila sa free tv.

Iyon nga lang, maghihintay sila ng bagong channel (number) na itatalaga sa kanila ng NTC. Gaya nang ginawang paghihintay ng AMBS–hanggang sa nabakante ang “2.”

Pero may malaking BUT! Kung manalo si Leni na maraming Kapamilya artists ang sumusuporta, maaaring magkaroon ng “himala” na biglang bawain ng NTC ang “temporary permit” na ibinigay sa AMBS.

Kung papaano maibibigay sa Kapamilya ang channel 2 kung makakakuha agad sila ng bagong “prangkisa,” aba’y ‘yan ang aabangan natin.

Subalit kung si Bongbong ang manalo, alam naman natin kung sino ang manok ng mga Villar sa halalang ito. Kaya malamang na maki-angkas na lang ang ABS-CBN sa AMBS ni Villar para maipalabas uli sa 2 ang mga programa nila.

Pag-usapan na natin si De Lima. Maganda ang tanong ng mga ayudanatics nating kurimaw: na kung kakaawaan daw kaya ng mga tao at iboboto uling senador si De Lima ngayong nag-aatrasan na ang mga tumestigo laban sa kaniya?

Matapos kasing bawiin ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang testimonya niya laban kay De Lima, sumunod naman ang “star witness” na si Rafael Ragos, dating pinuno ng Bureau of Corrections.

Parehong idinahilan ng dalawa na napilitan lang silang idiin si De Lima na sangkot sa umano’y kalakaran ng ilegal na droga sa Bilibid sa takot at panggigipit.

Sa dalawa, higit na mabigat sa prosekusyon ang pagbawi ni Ragos dahil isa siyang opisyal ng gobyerno at nagtrabaho kay De Lima. Kung ang testimonya niya ang nagdiin noon sa senadora kaya nakadetine ito ngayon, posibleng ang pagbawi nito ng testimonya ang maging daan din para makalaya na siya sa pagkakakulong mula pa noong 2017.

Pero bukod sa paglaya, maging daan din kaya ang pagbawi ng mga testimonya para kaawaan siya ng mga tao at iboto muling senador? Ika nga-symphathy vote na nagpapanalo sa mga kandidatong mukhang inagrabyado.

Kilala naman kasi natin ang mga Pinoy na mahilig sa teleserye at kumakampi sa mga inaapi. Kung pagbabatayan ang nakaraang survey sa mga senatorial candidate, kumbaga sa pila eh malayo si De Lima pero makikita naman kapag tumalon-talon at kumaway.

Kung si De Lima ang makakagawa ang sorpresa sa senatorial race, malalaman natin ‘yan. Pero ang isa pang magandang tanong, bakit biglang nag-aatrasan ang mga testigo laban sa kaniya? Abangan din natin ‘yan. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.