Abante Tonite Interactive

Taal tumahimik pero mapanganib

218

Nagkaroon ng ‘lull’ o bahagyang paghupa sa aktibidad ng Bulkang Taal na maaaring batayan ng pagbaba ng alert level.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kanila nang pinag-aaralan sa mga susunod na araw ang paghupa ng Taal su­balit ngayong nakataas pa rin ang Alert level 4 at kailangang sumunod sa 14 kilometrong danger zone.

Sinabi ni Ma. Antonia Bornas, chief ng Phivolcs-Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division na bagama’t bahagya nang kumalma ang Taal ay nananatili ang posibilidad na magkaroon pa ng biglaang pagsabog kaya’t delikado pa rin.

Naiintindihan umano nila ang kagustuhan na ng mga evacuee na makauwi sa kanilang bahay su­balit sa panig ng Phivolcs ay dapat pa rin sundin ang 14-kilometer radius danger zone.

“Bigyan po natin ng pagkakataon ang atin pong ahensya na pag-aralan ulit nang masusi kung ano pong ibig sabihin ng lull na ito,” paliwanag ni Bornas.
Sa oras na matiyak umano ng Phivolcs na kalmado na ang bulkan ay saka lamang maibaba ang alert level ngunit habang walang pagtiyak batay na rin sa kanilang pag aaral at obserbasyon ay nakataas pa rin ang Alert Level 4.
Kahapon ay dalawang beses lamang bumuga ng abo ang Taal habang komonti na rin ang volcanic earthquake subalit may ilan na malalakas pa rin.
Nagpasalamat na hindi gabi sumabog
Sa kabila ng dinaranas na malaking pagsubok bunsod na perwisyo at pagkaubos ng kanilang ari-arian at kabuhayan, laking pasalamat pa rin ng mga residente malapit sa Bulkang Taal na umaga at hindi gabi nangyari ang pagsabog dahil tiyak na mas marami ang mamamatay sa kanila.

Ayon sa mga residente ay umaga pa lamang noong araw ng Linggo ay nararamdaman na nila ang tila kakaibang aktibidad ng bulkan. May napansin na aniya silang maliit na usok na nagmumula sa tuktok at may kasamang mga mahihinang pagyanig.

Subalit dahil araw ng Linggo, at araw ng pagdagsa ng mga namamasyal na turista sa isla, hindi nila ito pinansin.

“Pasalamat pa rin ho kami at araw nagsimula ang pagsabog ng taal,” ayon kay may Jake Boyles
“Katinauan nga ho nu’ng oras na biglang maglabas ng makapal na usok ang bulkan dakong alas- 11:00 am, may sakay pang turista ‘yung kabayo ko,” ayon kay Boyles.

Tanghali na nang magsimulang maglikasan ang mga tao. Agad na nagsakayan ang mga ito sa mga bangka at walang dala kundi ang kanilang mga damit na suot.
Nagpabalik-balik din umano ang mga bangka para mahakot ang mahigit na 2,000 residente ng isla partikular sa kanilang barangay ng San Isidro na nasa norteng bahagi paharap sa bayan ng Talisay.

“Marami hong mamatay kung gabi, dahil kapag ho gabi ay wala dito ang mga bangka at nasa mga fish cages at iba ay nasa Talisay para mag-abang ng pasahero sa umaga,” sabi ni Boyles.(Tina Mendoza/Ronilo Dagos)