Abante Tonite Interactive

Taal Volcano small but terrible

340

Parang lasing na naalimpungatan ang Bulkang Taal na biglang nagwala at naghamon ng away sa Batangas. Ang matindi, umabot ang hamon niya sa iba pang lugar — hanggang Metro Manila.

Pero bago natin pag-usapan ang small but terrible [at deadly] na Taal, pag-usapan muna natin para hindi makalimutan ang sinapit ng kababayan nating si Jeanelyn Villavende, na hinihinalang pinatay sa bugbog ng kanyang amo sa Kuwait.

Batay sa autopsy report sa ospital sa Kuwait, namatay nga raw sa bugbog ang kawawang si Jeanelyn, na nangamuhan sa ibang bansa para ma­ka­tulong sa pamilya. Pero walang binanggit mga tsong sa autopsy na hinalay rin pala siya, batay naman sa hiwalay na autopsy na ginawa sa kanyang mga labi ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ang malaking ta­nong ngayon, sadya kayang hindi isinama ng Kuwait sa kanilang autopsy ang panghahalay kay Jeanelyn? Binalak kaya nilang pagtakpan ang isyung ito o sadyang hindi nagsagawa ng pagsusuri ang mga awtoridad doon tungkol sa posibilidad na hinalay ang biktima? Kung ako sa pamahalaan ng Kuwait, aba’y magagalit ako sa mga amo ni Jeanelyn dahil inilagay nila sa kahihiyan ang bansa.

Mahalaga kasing malaman ang lahat ng nangyari kay Jeanelyn dahil marami tayong kababayan na nagtatrabaho sa Kuwait bilang kasambahay. Kung makalulusot ang mga amo ni Jeanelyn, malamang na hindi siya ang huling maging biktima ng karahasan na ito. Tandaan natin mga tsong, nangyari ito kay Jeanelyn kahit may pinirmahan nang kasunduan ang Pilipinas at Kuwait na naglalatag ng mas ibayong proteksyon sa mga OFW.

Bukod kasi sa isyu ng pananakit, pagpatay at paghalay kay Jeanelyn, nandiyan pa rin ang problema sa hindi tamang pagpapasahod sa mga OFW, at ang umano’y kawalan ng aksyon ng recruitment agency ni Jeanelyn na saklolohan siya noong unang nagsumbong siya tungkol sa dinaranas na pagmamaltrato at hindi tamang pagpapasahod. Ilan pa kayang kababayan natin sa abroad ang nakararanas din ng pang-aabuso, hinahalay ng amo, hindi pinapasahod nang tama, at hindi tinutulungan ng kanilang recruitment agency?

Dapat ipakita ng mga kinauukulang ahen­siya ng pamaha­laan natin ang pagi­ging palaban sa pag­hanap ng katarungan para kay Jeanelyn. At dapat usigin at patawan naman ng Kuwait ng pinakamabigat na parusa ang may kasalanan para patunayan nila sa Pilipinas na walang kinikilingan ang kanilang batas.

Balikan natin si Taal, mantaking n’yong 43 taon na palang tulog ang bulkan na ito, na itinuturing na isa sa pinakamaliit [o mababa] pero pinakama­tindi kung pumutok. Hindi kasi tulad ng ibang bulkan [gaya ng Mayon] na matayog, ang Taal ay tila nakadapa lang at may iba’t ibang ‘crater’ o bunganga na labasan ng usok o magma.

Mula 1572, may naitala nang 34 na ulit na pagputok ang Taal. Pero ang pinaka-deadly niyang pagpu­tok ay nangyari noong 1911 na umabot sa mahigit 1,300 katao ang namatay. Nang pumutok naman ang Taal noong 1965, mahigit 200 katao ang nasawi. Taong 1977 naman ang huli niyang pag-alburuto at mula noon eh natulog na ang bulkan hanggang sa maalimpungatan nga nitong nakaraang linggo.

At dahil sa natu­rang pagputok noong Linggo, marami ang nagkaroon ng dagdag na kaalaman dahil natuklasan nila na hindi pala ang maliit na bulkan na tila nakanganga at kadalasang nakikita sa mga larawan, ang pinakapangunahing bunganga ng bulkan.

Sa ngayon, marami tayong kababayan na dapat na tulungan sa mga evacuation center. At pakiusap natin sa mga hinayupak na nagsasamantala para kumita nang malaki sa nangyaring trahedya, aba’y umayos kayo. Sa mga tumutulong naman kahit sa munting paraan, saludo kami sa inyo.

Sakaling tumigil na ang pagbuga ng abo ng Taal, hindi pa rin tapos ang peligro at dapat na manatiling alerto at maingat dahil malaking banta naman kapag umulan at tatangayin nito ang mga abo at magdudulot ng pagbaha. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.