Abante Tonite Interactive

Taas presyo pa more

By
252

Mismong ang pinuno na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang nagsabi na hindi nila inasahan na mas malawak ang nagiging sakop nang pagtaas ng mga presyo ng bilihin na nagtutulak sa pagtaas ng ‘inflation rate’.

Hindi naman talaga kataka-taka na sumirit pataas na parang ihi ng bata ang presyo ng mga bilihin dahil sa ipinasang TRAIN Law o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion. Huwag kalimutan mga tsong na unang bugso pa lang ng dagdag na singil sa buwis ang umiiral ngayon at mayroon pang susunod na dalawang taon.

Ang hindi lang siguro nakararamdan ng bigat ng price increase ng mga bilihin ay iyong mayayaman at malalaki ang sahod—na lalo pang pinalaki dahil sa nakapaloob na kaltas sa income tax na ginawang pangpain para suportahan ng iba ang TRAIN Law. Pero ang mga karaniwang manggagawa na P3,000 o P5,000 lang ang nadagdag sa kanilang take home pay, aba’y walang silbi ang natipid sa income tax dahil mauubos din sa taas na presyo ng mga bilihin.

Isipin na lang natin ang mga maralita at mga informal worker na walang katiyakang kita, papaano na sila makakasabay sa taas presyo ng mga bilihin? Nasabay pa sa pagkaubos ng murang NFA rice na hanggang ngayon ay wala pa. Ang laging katuwiran ng mga nasa gobyerno, walang rice shortage at maraming commercial rice — na mas mahal naman.

Kung hindi ba naman ewan ang mga opisyal na ito, hindi nila ma-gets na hinahanap ng mga pobre ang NFA rice dahil ito ang kaya ng kanilang bulsa. Pero bakit gusto ng mga opisyal na mas mahal na commercial rice ang bilhin ng tao, pati na ang mahihirap? Bakit?

Sa survey ng Pulse Asia noong nakaraang Marso, naghuhumindig ang datos na 98 porsiyento ng mga tinanong ay ‘YES’ ang sagot kung tumaas ang presyo ng kanilang binibili para sa pamilya. At ramdam ito sa buong panig ng bansa—98% sa NCR; 97% sa Luzon; 98% sa Visayas; at 99% sa Mindanao. Hagip din ang lahat ng antas ng lipunan—97% sa class ABC; 98% sa class D; at 96% sa class E.

Ang pagkain ang sina­sabi sa survey na naglaroon ng malaking pagtaas ng presyo na kinabibila­ngan ng bigas, mga matamis na inumin gaya ng juice at softdrinks, kur­yente, at transportasyon (kasama na ang gasoline at diesel). Marami ang nakapapansin na nasa P10 hanggang P20 na ang itinaas ng presyo ng gasoline at diesel sa nakalipas pa lang na dalawang taon. At kabilang sa sinisisi sa pagtaas ng mga produktong petrolyo, ang paghina ng piso at ang TRAIN Law.

Sabi ng opisyal ng BSP, ang naitalang 4.3% na inflation rate noong Marso ang pinakamabilis na pagtaas sa nakalipas na tatlong taon. Ang ma­tindi, inaasahan pa nilang tumaas ito nitong sa Abril. Maging ang kanilang pagtaya sa inflation rate, hindi na rin akma.

At gaya nga ng sabi natin, the worst is yet to come dahil nga tatlong bahagi ang implementasyon ng TRAIN Law, at may dalawang taon pa na magkakaroon ng pagtaas ng buwis ng mga bilihin. Pero ang pagbawas sa income tax para lumaki ang take home pay, ewan na.

Kung mga kontrabida sa Avengers movie ang inflation, tax hike, fare hike at kung ano-ano pang hike, malamang mag-uusap-usap na ang mga superhero para magsama-sama ata labanan sila. Kaya lang, hindi ito pelikula kaya sorry at tiis pa lalo mga tsong! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”