Abante Tonite Interactive

Taas suweldo sa mga gov’t worker napako

174

Hinikayat ni Se­nate President Pro Tempore Ralph Recto ang Malacañang na isumite ang kanilang bersyon ng panukalang itaas ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno kasama na ang mga guro at mga nurse.

“Mag-di-Disyembre na, ni anino ng Salary Standardization Law V wala pa. Malamig na simoy ng hangin, wala pa rin ang panukala na nagtataas ng sahod ni titser ang ating naamoy,” pahayag ni Recto sa isang statement kahapon.
Nauna nang na­ngako ang Palasyo na kanilang itataas ang suweldo ng mga kawani ng pamahalaan kabilang ang mga guro at nurse sa pamamagitan ng pagsasabatas ng isa pang Salary Standar­dization Law (SSL).

“When will it come out of the Palace kit­chen? ‘Please expedite’ is not one marginal note we would like to send them, but a big shout out,” apela nito.
Ayon kay Recto, P31.1 bilyon ang inilaan sa pa­nukalang 2020 natio­nal budget para sa planong wage increase subalit kailangan umano ng hiwalay na batas para dito.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hul­yo, umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipasa ang bagong SSL kasama na ang mga guro, dahil magtatapos na ang four-tranche wage increase sa ilalim ng SSL of 2015 ngayong taong ito.

Tatlong panukala ng SSL na ang inihain sa Senado na naglalayong i-adjust at dagdagan ang suweldo ng mga civilian government worker.

Kung nagawa umanong taasan ang suweldo ng mga pulis at sundalo, dapat gawin din ito sa ibang kawani ng gobyerno. (Dindo Matining)