Abante Tonite Interactive

Taas-suweldo sa mga media itinulak ng PCOO

0 318

Sinusuportahan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang panukalang batas para sa mas mataas na take home pay ng mga mamamahayag.

Sinabi ni PCOO secretary Martin Andanar, marapat lamang na pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng media worker lalo na at itinuturing ang mga ito na ika-apat na estado sa lipunan.

Kung ang mga nasa gobyerno at mga mam­babatas ay may maayos na tinatanggap na sahod, sinabi ni Andanar na panahon na upang bigyan ng magandang salary matrix ang mga nasa media.

“Ginawa ni Congresswoman Niña Taduran ang panukalang batas at saka ‘yung grupo ninyo, pati ni Joel kasi, kasi alam mo sabi nila, fourth estate ang media, ‘di ba? Mayroong first estate, second estate, third estate: Nandiyan ‘yung national government, nandiyan ‘yung mga kaparian, nandiyan ‘yung ating mga congressman, mga senador – maayos ‘yung kanilang ano eh… salary matrix,” ani Andanar.

Ang House Bill 2476 o ang Media Worker­s Welfare Act na inihain ni ACT-CIS Congresswo­man Taduran ay magtatakda ng buwanang suweldo ng mula P20,000 hanggang P60,000 sa mga nasa media industry.

Sa ilalim ng panukala, tatanggap ang mga reporter na may tatlong taong karanasan sa pamamahayag ng P40,000 kada buwan habang ang may limang taong karanasan ay sasahod ng P45,000 habang P50,000 naman para sa mga may walong taong karanasan at P60,000 para sa mga may 10 taon ng nasa larangan ng pamamahayag. (Aileen Taliping)