Abante Tonite Interactive

Tadeco hindi madidiin ng Kongreso

By ,
4,734

Kumbinsido ang mga abogado ng Tagum Agricultural Development Co. (Tadeco) na mabibigo ang Kongreso sa layunin nitong madikdik ito sa pinasok na joint venture agreement (JVA) sa Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa kakulangan ng matibay na kaso laban dito.

Kahit na anong paikot sa imbestigasyon, halata naman umanong nahihirapan ang House committee on good government and public accountability na hanapan ng butas ang Tadeco.

Sa ika-limang pagdinig noong Pebrero 7, iprinisinta ni House Speaker Pantaleon Alvarez bilang witness si Engr.
Ruben Tacugue na nagsabing sobra umano ng 4,000 ektarya ang nakasaad sa kontrata ng Tadeco at BuCor.

Nauna nang sinabi ni Solicitor General Jose Calida na iligal at wala umanong bisa ang kontrata sa pag-upa sa mahi­git 5,000 ektaryang lupain ng Davao Penal Colony (Dapecol).

Sa ilalim ng Konstitusyon ay maaari lang din aniyang upahan ng isang pribadong kumpanya ang lupaing pag-aari ng gobyerno nang hindi hihigit sa 50 taon.

Sa kaso ng Tadeco, una nitong inupahan ang lupain ng Davao Penal Colony noong 1969 na pinalawig nang 25 taon noong 1979. Binigyan ng extension ang kontrata noong 2003 at pinalawig hanggang 2029.

Labag din umano sa Public Land Act ang kasunduan dahil hindi ito dumaan sa bidding.

Dahil dito ay inatasan ni committee chair Rep. Johnny Ty Pimentel si Tacugue na i-survey ang Dapecol sa kabila ng testimonya ni DENR Regional Executive Director Ruth Tawan-Tawan na nagsagawa na sila ng survey sa nasabing lugar.
Ayon sa mga obser­ver, aksaya lang sa oras at pera ng bayan ang panibagong survey.

Sinabi naman ng DPWH na ipinalagay nilang mga public road ang pali­gid ng Dapecol ayon na rin sa pahayag nina Davao del Norte Gov. Anthony del Rosario at Dapecol Superintendent Gerardo Padilla na pag-aari ito ng penal facility at wala namang itinakdang right of way sa lugar.

Samantala, kinuwestiyon ng mga abogado ng Tadeco ang timing ng imbestigasyon.

“Our client has been in existence for some 65 years now, contributing significantly to national economic and social developments by providing jobs and religiously paying taxes to the government,” ayon sa mga ito.

Dagdag nila, sa ilalim ng Public Land Act ay bawal pumasok sa lease agreement ang BuCor at Tadeco kaya naman hindi rin angkop sa kaso nito ang 1,000-hectare limit na isinasaad sa Konstitusyon.