Abante Tonite Interactive

Tag-ulan: Commute o maneho?

421

AYOS BA?
Carlito Evangelista

Nakaka-badtrip talaga ang panahon ng tag-ulan sa mga maseselan sa sasakyan.

Mapalabas kasi o mapailalim ng sasak­yan ay siguradong marumi sa mga ganitong panahon bunga ng mga tilamsik ng tubig na may halong kung ano-anong dumi at mikrobyo buhat sa kalsada, o sa mismong kasabay o kasalubong na sasakyan.

Ang ibang hindi talaga makatagal na marumi ang sasakyan, diretso na sa carwash para lamang mas madismaya dahil paglabas na paglabas nila buhat sa pinagpahugasan ay bibira na naman ang ulan.

Kaya may mga argumentong lumulutang kung praktikal nga ba na huwag na lang gamitin ang sasakyan kapag umuulan at sa halip ay mag-taxi, TNVS o kaya ay mag-UV Express na lamang.

Inalis ko na po sa choices ang LRT, MRT, bus at dyip dahil mabubuwisit ka lang talaga sa mga ‘yan kung sanay kang bumiyahe gamit ang sariling sasakyan.

Narito ang mga bentahe kung hindi ka gagamit ng sariling sasakyan kapag tag-ulan:

1. Dahil maselan ka, hindi marurumihan ang sasakyan mo basta ayos ang garahe mo.
2. Karaniwan nang mas nagiging matrapik kapag maulan kaya habang nababalagoong ang sinakyan mo, magagawa mo na ang ibang trabaho mo na nangangailangan lamang ng paggamit ng telepono o gadget.
3. Ligtas ang sasakyan mo sa baha.
4. Bawas gastos sa palinis.
5. Para ka pa ring may sariling sasakyan at may driver pa!
6. Hindi mo naman iindahin ang bayad sa taxi o TNVS dahil in the first place afford mo nga na magkasasakyan eh.
Ito naman ang puntos kung kahit sa tag-ulan ay gagamit ka ng sasakyan sa kabila ng pagiging maselan mo:
1. Naroon pa rin ang privacy, kahit makipag-usap ka sa speaker phone o via bluetooth sa head unit mo, ikaw lang makakarinig.
2. Hindi ka maiinis sa pag-book sa TNVS dahil kadalasan sa ganyang situwasyon laging mahirap kumuha ng masasakyan.
3. Hindi mo mararanasan na ma-plus 50 o 100 ka ng taxi na pinara mo.
4. Hindi ka mababasa-basta may payong o kapote ka lang na magagamit patungo sa pinagparadahan hehehe.
Ilan lamang ‘yan sa pros and cons ng paggamit ng sasakyan o pag-commute sa panahon ng tag-ulan base po sa aking karanasan. Pero at the end of the day, kayo pa rin po ang magpapasya kung ano ang gagawin ninyo.
Ayos ba?