Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tag-ulan na!

0 174

Opisyal nang idineklara ng weather bureau na PAGASA ang pagsisimula ng rainy season.

Kasunod ‘yan ng pag-uulang idinulot ng Bagyong Dante sa malaking bahagi ng bansa nitong mga nakalipas na linggo.

Dahil tag-ulan na, pinag-iingat na rin ang publiko sa mga sakit na posibleng dala ng panahong ito. Numero uno sa listahan ang ubo’t sipon. Sa gitna ng maalinsangang paligid, biglang bubuhos ang ulan. Masamang mabasa tayo ng ulan. Ugaliing maligo agad kapag naulanan.

Siyempre, huwag na ring kalilimutang magdala ng panangga sa ulan gaya ng paying, kapote at maging pangginaw. Bukod pa ‘yan sa pagdadala ng face mask at face shield sa tuwing lalabas ng inyong bahay.

Para makaiwas sa ubo’t sipon, gawin ding habit ang pag-inom ng vitamins. Malaki ang maitutulong nito para lumakas ang resistensiya. Mabisang panlaban din sa banta ng Covid-19 transmission lalo’t hindi pa rin tapos ang global pandemic.

Importante ring kumain ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay. Dapat laging balanced diet para manatiling malusog. Kung may pagkakataon, huwag ding kaliligtaang mag-ehersisyo. Malaki ang maitutulong nito para gumanda ang pangangatawan.

Ngayong nag-uuulan na, marami ang mas nahuhumaling sa paghigop ng mainit na kape. Wala namang masamang mag-kape. Tiyakin lang na ‘in moderation’ ang pagkonsumo. Nakasasama ito sa katawan kung sobra-sobra lalo na sa mga may hypertension. Dahil sa caffeine content nito, nakapagpapabilis ito ng tibok ng puso.

Iwasan ding lumusong sa baha. Nandyan ang banta ng leptospirosis na nakukuha sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga. Delikado ito dahil maaaring mamatay ang taong tatamaan nito kung hindi agad maaagapan.

Bago pa sumapit ang kasagsagan ng rainy season, ayusin na ang mga sirang bubong para hindi na tumulo oras na may manalasang bagyo sa inyong lugar. Linisin na rin ang mga alulod at iba pang pinaglalagusan ng tubig sa yero. Pati ang kapaligiran, ugaliin ding linisin para hindi pamahayan ng lamok na posible pang magdala ng dengue virus.

I-enjoy ang unti-unting paglamig ng panahon na dulot ng rainy season. Pero isaalang-alang ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.