Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tagaktak ang pawis

0 187

Hindi pa opisyal na idinedeklara ng PAGASA ang summer season, pero nanunuot na sa balat ang init lalo na tuwing tanghaling tapat.

Kaya ipinapayo ng health experts na magdala ng panangga sa init para hindi mabilad sa araw ang balat.

Pero dahil mainit ang panahon, pupusta ako – pawisan ka na naman lagi. Madalas nga, katatapos mo pa lang maligo pero basang-basa ka na agad ng pawis. ‘Yong iba, nasa biyahe pa lang papasok sa opisina o eskuwela, pero mukha nang pauwi. Minsan nakakahiya nang mag-commute lalo na kapag naglalawa sa pawis ang iyong kilikili o ‘yong tinatawag na baskil o basang kilikili.

Ayon sa mga doktor, natural na nagpapawis tayo dahil sa sweat glands. Paraan daw ito ng katawan natin para i-regulate ang body temperature. Kaya tuwing matindi ang init na nararanasan, mas maraming pawis tayong inilalabas para mapreskuhan ang ating katawan.

Ang sa akin lang, kapag pinagpapawisan tayo partikular ang pagkakaroon ng baskil – bukod sa hindi kaaya-ayang hitsura, posible rin itong pagmulan ng body odor. Kaya dapat talagang solusyunan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

May mga home remedy sa labis na pagpapawis ng kilikili ang sinasabi ng marami na naging epektibo sa kanila.

Una, ugaliin ang paggamit ng deodorant. Regular na maligo para laging presko ang pakiramdam. Puwede ring gumamit ng diluted apple cider vinegar. May astringent properties ito na present din sa mga deodorant. Pinapatay nito ang bacteria na pinagmumulan ng body odor at labis na pagpapawis. Puwede rin daw ihalo ang ACV sa tubig pampaligo.

Isa pa raw alternatibong gamot sa baskil ang pinaghalong pinigang fresh lemon at baking soda. Pareho rin kasi itong may anti-perspirant. Haluin ang pinigang fresh lemon at baking soda saka ito ipahid sa kilikili.

Iwasan din daw ang sobrang stress. Major contributor ng underarm sweat ang sobrang pag-aalala sa mga bagay bagay.

Para maiwasan din ang matinding pagpapawis, magbaon ng isa hanggang dalawang tuwalya, extra t-shirt, payong, pamaypay at pulbos tuwing lalabas ng bahay. Bukod pa ‘yan sa iyong PPE o personal protective equipment gaya ng face mask at face shield na kailangan ngayong may Covid-19 pandemic.

Kundi talaga masolusyunan ang sobrang pagpapawis, komunsulta na sa espesyalista.

Leave A Reply

Your email address will not be published.