Abante Tonite Interactive

Taguig konsehal timbog sa Ecstasy, pagnanakaw

By
1,582

Kalaboso ang isang konsehal ng Taguig City matapos umanong mahulihan ng mahigit sa 30 tableta ng Ecstasy at pagnanakaw sa isang casino hotel sa Parañaque City noong Martes nang gabi.

Isinailalim na kahapon sa inquest proceeding ng Parañaque Prosecutor’s Office si Taguig 2nd District Councilor Richard Paul ‘Ric’ Jordan, 35-anyos, dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at pagnanakaw.

Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Victor Rosete, hepe ng Parañaque City Police, alas-7:40 nang gabi noong Hulyo 3 nangyari ang insidente sa Solaire Bay Tower na matatagpuan sa Entertainment City, 1 Aseana Avenue sa nasabing lungsod.

Ayon kay Rosete, napansin umano ng mga guwardiya ng hotel na balisa ang konsehal sa paglabas mula sa kanyang inupahang kuwarto kaya’t ininspeksyon ang dala nitong bag.

Nakita sa loob ng bag ang mga bagay na mula sa inupahang kuwarto ni Jordan sa nasabing casino hotel katulad ng iPod Dock, silver cork screw, glass ashtray, face towel, hand mirror at iba pang maliit na bagay.

Nadiskubre rin ang 31 tableta na nakasiksik sa loob ng bag.

Agad dinala ng mga security personnel ang nasabing konsehal sa kanilang tanggapan para imbestigahan bago isinuko sa mga tauhan ng Police Community Precinct 2 ng Parañaque Police.

Ayon kay Rosete, nakumpirma sa pagsusuri sa Crime Laboratory ng Southern Police District at ng Camp Crame na mga ectasy ang mga tableta na nakuha mula sa bag ni Jordan.

Sinabi pa ni Rosete na hinintay lamang ang resulta ng pagsusuri sa mga nakumpiskang droga kung kaya’t kahapon lamang sinampahan ng kaso si Jordan.

Nakakulong ngayon si Jordan sa nasabing himpilan ng pulisya.