Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Taguig nakahanda para sa muling pagbubukas ng klase

0 218

Back to school na! Kaya naman ang Taguig City bilang Education City ay pinapaganda pa lalo ang education programs hindi lang para sa mga estudyante kundi maging sa mga guro at magulang sa nalalapit na school year 2021-2022. Ito ay para maging matiwasay ang pagbubukas ng klase online sa gitna ng pandemya.

Maraming preparasyong ginagawa ang lokal na pamahalaan upang masigurado na patuloy ang kalidad na edukasyon sa mga estudyanteng Taguigeño. Isa na rito ang Hybrid Modular Distance Learning Program kung saan gamit ng mga estudyante ang printed modules mula sa lokal na pamahalaan at Department of Education. Espesyal ang modules ng Taguig dahil gawa ito ng mga eksperto at guro mula sa international schools sa lungsod. Magpapatuloy rin ang pilot online learning sa lungsod gamit ang E-Dynamic Learning Curriculum.

May bagong learning tool na pasisinayaan ang pamahalaang lungsod ngayong school year. Ito ang Taguig Learning Management System (LMS) na magagamit ng mga mag-aaral, guro at magulang.

Napakadaling gamitin ng LMS kung may gadget at internet connection. Kung wala namang access sa mga ito, walang problema dahil may flash disks na ipapamahagi ang lungsod para pwedeng i-download agad ang modules sa mga paaralan.

Ang LMS ay operated sa Online Learning Command Center ng lungsod. Tulad ng ginagawa sa Taguig COVID-19 Command Center, dito naman ay minomonitor ang online classes at iba pang online activities ng mga paaralan.

Naglaan rin ang Taguig ng tablets para sa mga mag-aaral at guro na bahagi ng pilot online learning classes, para sa piling mga section sa bawat baitang, mula kinder hanggang Grade 12 sa bawat public school sa Taguig.

Makakatanggap pa rin ang mga public school students ng mga school supplies tulad ng nakukuha nila kada school year noong wala pang pandemya. Bukod sa mga dati nang ipinamimigay na mga libro, notebooks, uniform at bag, makakatanggap din sila ng flash drive at anti COVID-19 kits.

Mas palalawakin din ng Taguig ang isinasagawang pagsasanay sa mga guro sa Taguig Online Resources and Community Hub (TORCH). Ito ay para mas mahasa pa ang kanilang skills at expertise sa video editing, animation, paggawa ng presentations at LMS. Mayroong 4,500 public school teachers at 1,000 private teachers na ang trained sa TORCH at dadagdagan pa ito ng Taguig.

Walang estudyanteng mapag-iiwanan dahil magkakaroon ng tutorials on-the-go sa ilalim ng programang Knowledge on Wheels. Ang mga trainer-teachers ang pupunta mismo sa bahay ng mga estudyanteng nangangailangan ng tulong at tuturuan sila at maging kanilang mga magulang sa kung paano maaalalayan ang kanilang mga anak sa mga lessons.

Bukod pa rito, mayroon ring Tele-Aral Program na may mga trained teacher-agents na gagabayan ang mga magulang at mag-aaral na makasunod sa bagong sistema ng pag-aaral ngayong pandemya. Ang Facebook page na Taguig City Tele-Aral Program ay naglalaman ng mga impormasyong kailangang para sa mas madaling pag-avail nito.

Regular na sumasangguni ang pamahalaang lungsod sa mga magulang at guro. Layunin ng partnership na ito na hikayatin at suportahan ang bawat isa para ang lahat ng estudyante sa Taguig ay makapag-aral nang maayos kahit na may pandemya.

Mayroon ding isasagawang orientation para sa mga magulang at guro ng Daycare, SPED at Alternative Learning System (ALS) Program ng Taguig upang maihanda sila para sa bagong taon ng pag-aaral.

Sa Inclusive Quality Education agenda ng Taguig, ang lokal na pamahalaan ay nakatuon sa pagpapahusay ng learning experience ng mga mag-aaral sa lungsod, kasama ang mga guro at mga magulang.

Hindi nagiging hadlang ang pandemya sa layunin ng lungsod na pagbutihin pa ang education system ng Taguig at makatulong sa Taguigeños na abutin ang kanilang pangarap.

Ang mga mag-aaral ngayon ay ang susunod na henerasyon ng mga lider ng ating bayan at magpapalakas ng ekonomiya natin kaya’t kailangang maihanda sila nang mabuti sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mataas na kalidad na edukasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.