Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tagumpay ng OFWs sa Saudi

0 222

Proud son ako ng isang Overseas Filipino Worker. May dalawang dekada ring nagtrabaho sa isang chemical laboratory sa Saudi Arabia ang haligi ng aming tahanan. Pa-highschool na ako noon nang nag-resign siya at nagdesisyong magretiro na lang sa Pilipinas.

Kung tutuusin, maayos ang hanap-buhay ni Papa sa Saudi Arabia hindi gaya ng ibang kababayan nating nagsisilbi bilang domestic helpers. May sapat siyang kita at maayos ang working condition.

Pero dahil non-Saudian, tila alipin dahil hawak pa rin sila sa leeg ng kanilang mga employer. Ibig sabihin, hindi sila puwedeng basta-basta makalipat ng trabaho. Kung aalis o gagala man, ipagpapaalam din. Pati passporte nila, nasa kustodiya ng kanilang mga boss kaya hindi sila puwedeng makapuslit.

May good news sa mga OFW sa Middle East – niluwagan na ng Kingdom of Saudi Arabia ang umiiral na Kafala system.

Simula March 14 nang susunod na taon, hindi na mangangailangan ng permiso ng mga migrant worker mula sa kanilang mga amo kung lilipat sila ng trabaho, magbibiyahe at aalis ng kanilang bansa.

Tagumpay ito kung ituring ni dating Foreign Affairs Secretary at ngayo’y Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na nagsulong na mabuwag ang Kafala system.

Pinasalamatan ni Cayetano ang lahat ng nakipaglaban sa karapatan at kapakanan ng mga Pinoy worker abroad. Partikular niyang tinukoy ang mga OFW group, NGOs at DFA.

Nagpaabot din siya ng kagalakan kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay-daan para bigyang-pansin at pagtuunan niya ang mga programang may kaugnayan sa OFW welfare noong siya pa ang kalihim ng DFA.

Matagal nang itinuturing na bagong bayani ang mga OFW na silang nagpapasok ng limpak-limpak na pera sa pamamagitan ng remittances. Pero ngayon pa lang sila nabibigyan ng tamang pagtrato at nararapat na atensyon – gaya nitong pagluwag sa Kafala system.

Masundan pa sana ang mga programa ng gobyerno na tututok sa kapakanan at kaligtasan ng Pinoy workers sa ibang bansa.

Ang sa akin lang, hindi alipin nang sinuman ang mga Pilipino. Matalino, masipag at madiskarte – ‘yan tayo! Kaya hindi tayo basta-basta paaapi at pagagapi sa mga banyaga.

Saludo ako sa modern day heroes – ang mga OFW!

Leave A Reply

Your email address will not be published.