Abante Tonite Interactive

Tahimik na paglisan ni ‘Edong’

0 379

Gaya ng kanyang malumanay na pagsasalita, tahimik din na pumanaw noong nakaraang Sabado mga tsong ang dating executive secretary, senador, cabinet secretary, educator, lawyer at kung ano-ano pang posisyon, na si Edgardo ‘Edong’ Angara.

Mismong ang anak niyang senador na si Sonny Angara ang nagbalita sa tila biglaang pagkamatay ng kanyang ama na sinasabing bunga ng atake sa puso. Batay na rin kasi sa ipinalabas na timeline sa huling mga sandali ng nakatatandang Angara, maayos ang kondisyon nito habang kasama ang mga kaibigan­ sa Tagaytay ilang oras bago siya binawian ng buhay sa kanyang tahanan.

Pero ganoon talaga ang buhay, puwedeng maayos ka ngayon ngunit ilang saglit lang eh hindi na. Kaya naman may mga kurimaw na embalsamador na nagsasabi na ang buhay ay hindi pahabaan kung hindi pasarapan.

Immediate-Hiring-Ads

Kung tutuusin, hindi na masama ang 83 taon na inilagi ni Sen. Edong sa mundo. Mayroon ding kasa­bihan na hindi maha­laga kung gaano ka katagal nabuhay, kung hindi ano ang ginawa mo noong ikaw ay nabubuhay.

Maaaring hindi mas­yadong kilala ng mga ‘millennial’ si Sen. Edong, at ang mas kilala na nila ang anak niyang si Sonny na senador na nga­yon. Kung tutuusin, isa si Sen. Edong sa mga masasabing halimbawa na napagkaitan o hindi tala­ga nakatadhanang ma­ging presidente.

Sa lawak kasi ng karanasan niya sa politika, kahit man lang posis­yon bilang pangalawang pangulo ay nabigo siyang makuha nang makalaban niya sa naturang posisyon si Gloria Arroyo, na kinalaunan ay naging pangulo pa ng bansa.

At kahit naging katunggali niya si Arroyo, hindi nangiming maki­pagnegosasyon si Edong sa kampo ng una nang panahon na namemeligro na ang liderato ng noo’y si Pangulong Joseph Estrada, na nagtalaga sa kanya bilang Agriculture secretary at kinalaunan ay exe­cutive secretary.

Tumagal lang ng 14 na araw bilang executive secretary si Edong dahil nilisan ni Estrada ang Malacañang nang magkaroon ng EDSA 2 people power revolution. Sabi sa mga ulat, isa sa mga inisip ni Edong noon ang mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan para maprotektahan si Estrada, at maiwasan ang pagda­nak ng dugo mula sa mga nagpoprotesta.

Kung uso sa mga politiko ang pagiging balim­bing at parang palaka sa bilis nang pagtalon sa iba’t ibang partido, si Sen. Edong, nanatili sa kanyang partido na LDP kahit yata kaysa na lang sa tricycle ang mga miyembro.

Naging miyembro siya ng 1971 Constitutional Convention, naging presidente ng University of the Philippines, ilang ulit na­ging senador (1987 hanggang 1998), naging Se­nate President, at itinalagang special envoy to the European Union ni Pangulong Duterte.

Bilang mambabatas, makabuluhan at pinakinabangan ng maraming tao ang kanyang mga inihaing pa­nukala na naging batas. Kabilang dito ang Free High School Act, Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA), National Health Insurance Act (PhilHealth), Senior Citizens Act, Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA), Renewable Energy Act, Procurement Reform Act, paglikha ng National Museum and the Natio­nal Commission for Culture and the Arts (NCCA), at iba pa.

At dahil abogado na kabilang sa mga nagtatag ng sikat na law firm na ACCRA Law Office, hindi basta-basta mapapaikutan si Sen. Edong pagdating sa mga debate sa plenaryo at pagdinig sa komite nang hindi nagtataas ng boses o nanghihiya. Kaya naman hindi kataka-taka na isa siya sa mga mambabatas na hinahangaan.

Pero sabi nga, lahat ay may katapusan upang bigyan daan ang mga bagong lider na umuusbong, na sana lang ay kapakanan ng mga tao ang nasa isip at hindi ang personal na kapakinabangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”