Abante Tonite Interactive

Taiwanese nahulihan ng 40M shabu sa Binondo hotel

By
337

Timbog sa mga ope­ratiba ng Manila Police District (MPD) ang isang Taiwanese national na nahulihan ng mahigit anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P40 milyon makaraang sala­kayin ang kuwarto nito sa isang hotel sa Binondo kahapon nang umaga.

Iniharap sa media nina National Capital Region Police (NCRPO) Director Chief Supt. Guil­lermo Eleazar at MPD Director Sr. Supt. Rolando Anduyan ang suspek na si Chong Chin Haw, 31-anyos at nanunuluyan sa Room 506 ng Good Hope Hotel sa Binondo.

Nabatid na bukod sa shabu, nakasamsam din ang mga operatiba ng MPD ng 20,000 round ng bala ng kalibre .9mm na baril at 388 selyadong pakete ng hinihinalang kemikal na sangkap sa pagluluto ng iligal na droga.

Sinalakay ng pulisya ang hotel na tinutuluyan ng suspek dakong alas-11:30 nang umaga matapos na magpositibo umano ang impormas­yon ibinigay sa pulisya.

Ayon sa pulisya, sangkot din ang suspek sa pagpupuslit ng armas at tinangka umano nitong tumakas sa pamamagitan nang pagdaan sa likurang pintuan ng hotel.

Pero nang makita ang mga pulis ay nagtatakbo ang suspek pabalik sa kanyang kuwarto at doon na siya naaresto.

Isinasailalim sa interogasyon ang suspek para matukoy kung saan dadalhin ang mga nakumpiskang shabu at malaman din ang mga kasabwat nito sa iligal na droga.