Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Takbuhing kandidato ibasura sa eleksiyon

0 170

Tagumpay ang siyam na presidentiable na nagpaliwanag sa simple hanggang masalimuot na mga isyu sa ating lipunan.

Pero katulad ng isang laban, may nangingibabaw talaga, kahit sabihin nating pare-parehong malaman ang kanilang mga tugon sa mga kontrobersiyal na katanungang ibinabato ng mga host ng debate na sina Pinky Web at Pia Hontiveros.

Sa siyam na nagbakbakan, nangibabaw talaga si Senador Ping Lacson at kahit papaano ay humahabol sina Vice President Leni Robredo at Manila Mayor Isko Moreno.

Sa mahabang dekada ba naman sa serbisyo publiko ni Senador Lacson ay talagang mamaniin nya ang debate.

Bukod sa may lalim kung magpaliwanag ay may basehan din ang bawat kasagutan ni Sen Ping.

Napapanganga nga ang mga katabi kong nanonood ng debate at bigla na lamang napapapalakpak tuwing sasagot si Sen Ping.

Hindi lang nasolb ang ilang Marites kong nakatsika sa sagot ng isang kandidato na kaya raw ito sumabak sa halalan ay dahil sa kumakalat na fake news.

Kantiyaw tuloy ng mga Marites ang babaw daw ng kandidatong tumakbong Pangulo dahil lang sa fake news. Minus points daw sa kanila.

Si Senador Manny Pacquiao naman ay ramdam mo ang sinseridad sa bawat hugot niya sa mga katanungan sa kanilang mga kandidato.

Malayong-malayo sa dating ni Mayor Isko na mukhang praktisado sa pagsalang sa debate kaya hindi mo maramdaman ang sinseridad ‘yung bang tipon kabisote kapag nasa klase.

Si VP Leni naman ay maraming paliwanag pero mukhang kalat-kalat ang ideya hindi tumatagos sa puso at isipan ng mga Marites.

Si Ka Leody de Guzman, panalo ang mga birada na talagang bumuhay sa debate dahil sa walang preno nitong pamumulutan sa nang-isnab sa debate na si Ferdinand Marcos Jr.

Ang tatlo pang presidential bet ay naitawid namang mabuti ang bawat katanungan sa kanila at nakatulong din sa taumbayan para makapag-isip ng mabuti kung sino ang dapat na iboto sa darating na halalan.

Ngayong narinig na natin ang plano ng ating mga presidential bet para sa bansa sana ay makatulong ito sa pagpili natin ng karapat-dapat na pinuno ng ating bansa.

Ibigay natin ang ating boto sa karapat-dapat at hindi sa kandidatong walang kakayahang ibigay ang sarili sa bayan para makilatis ng sambayanang Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.