Abante Tonite Interactive

Taklesang aktor sinisiraan ang kapwa artista

624

MADULAS talaga ang dila ng isang male personality na may kanegahan ang imahe ngayon. Hindi niya kayang hawakan ang kanyang kataklesan.

Nu’n pa man ay ganu’n na ang napapansin sa kanya ng marami, mabilis siyang magkomento, hindi man lang siya nag-iisip na nakapananakit siya.

Kuwento ng isang source, “Kailangang nababantayan niya ang mga sinasabi niya. Ke joke lang o ano ang sinasabi niya, dapat niyang maisip na artista na siya ngayon, puwede siyang malagay sa alanganin, dahil hindi magandang pakinggan na kapwa artista niya ang sinisiraan niya.

“Wala naman siguro siyang masamang intensiyon, pero maiintindihan ba naman ‘yun ng kampo ng mga personalities na pinipintasan niya?

“Kunwari, ‘yung ginawa niyang pagsa-side comment tungkol sa isang sikat na male personality, akala ba niya, e, maiintindihan ng mga taong nakakarinig sa kanya na nagbibiro lang siya?

“Ang lumalabas tuloy, e, matindi ang inggit niya du’n sa sikat na male personality! Sabi siguro niya sa sarili niya, e, pareho naman silang guwapo, pero bakit siya naungusan nang milya-milya sa popularity nu’ng male personality na tinutukoy niya?

“Hindi maganda ang ganu’n, marami siyang sinasabi tungkol sa ibang mga artista, ano ba naman ang tingin niya sa sarili niya?

“Na regalo siya ng langit para sa mga kababaihan? E, guwapo nga siya at matikas, kung ganu’n naman siya kadaldal, may magkakagusto ba naman sa kanya?” mahabang kuwento ng aming impormante tungkol sa tactless na male personality.

Ngayon ay negang-nega ang image ng male personality. Maraming katrabaho niya ang umaangal sa kanyang kaangasan. Pati nga ang kanilang direktor ay nakabangga na niya.

Female personality takot sa PDEA

BAKIT kaya parang nakakakita ng multo sa sobrang takot ang isang female personality kapag naririnig niya ang salitang PDEA?

Meron ba siyang ginagawang kontra sa pamamalakad ng naturang ahensiya? Nagtataka lang ang marami kung bakit siya nahihintakutan kapag naririnig na niya ang salitang ‘yun.

Sabi ng isang source, “Masyado siyang allergic sa salitang PDEA. Iwas na iwas siya! Naku, baka naman natatakot siyang ma-Julie Andrews (read: mahuli) ng mga ahente ng agency na ‘yun!”

Ganown!

Regine naka-1 taon na sa Dos

NAPAKABILIS naman talaga ng panahon. Nakaka-isang taon na pala ang Asia’s Songbird sa ABS-CBN. Parang kailan lang ‘yun nang kumabilang-bakod si Regine Velasquez sa Dos mula sa GMA-7.

Marami nang naganap mula nu’n, tuloy ang ikot ng mundo ng GMA-7, tuluy-tuloy pa rin ang The Clash, ang iniwanang talent show ni Regine sa network, bagong bihis ang show.

Pambato namang singer ngayon ng ASAP Natin ‘To! si Regine, siya ang nagrereyna sa biritan sa variety show ng ABS-CBN, kasama ang mga naiwang singers nang pumasok siya sa programa.

Hanggang sa susunod na buwan na lang ang apat na taong Sunday PinaSaya, balitang papalitan ‘yun ng Studio 7, matagal na panahon ding pinadapa sa rating ng mawawala nang programa ang ASAP Natin ‘To!

Ganu’n lang naman sa mundo ng telebisyon, walang katiyakan kung hanggang gaano katagal tatakbo ang isang programa, pero kapag hindi talaga ‘yun pumapalo sa ratings ay napapaaga ang pagpatay ng show.

Kahit sa labanan ng mga serye ay ganu’n din ang kalakaran, suwerte ng mga nagre-rate, dahil kahit parang lastiko nang hinihila na lang ang istorya ay tuloy pa rin sa ere.

Negosyo ang telebisyon. Ang pangsuweldo ng programa sa cast at production staff and crew ay nanggagaling sa kanilang advertisers, kaya kapag walang masyadong commercials ang isang programa, hindi naman tatagal ang istasyon sa puro pag-aabono.

Tigbak agad ang show.