Abante Tonite Interactive

Takot Ako Sa Surgeon

0 297

“Ayaw kong magpatingin sa surgeon, siguradong ooperahan ako” ang komento ng isa sa ating mga letter senders. Bilang isang orthopaedic surgeon, madalas kong sinasabi sa mga pasyente ko na hindi dapat matakot magpatingin sa isang seruhano, dahil hindi naman namin agad agad kayo ooperahan. Sa totoo lang, kung mayroong magsasabi na hindi ninyo kailangan maoperahan, ito ay ang isang surgeon. Mayroon kasing indications na tinatawag, parang checklist, na dapat masundan bago sabihin na kailangan operahan ang may karamdaman.

Kabilang sa mga indications na ito ay ang bukol sa katawan, pananakit na nararamdaman, hindi makakilos ng mabuti at pagkakabalda, or maaring kailanganin ang operasyon dahil ito ang magliligtas ng buhay ng pasyente.

Sa mga bukol, ito ay mga abnormal na cells na nabubuo sa mga lugar na hindi dapat. Hindi lahat ng ito ay inooperahan. Kung lumalaki ng husto at may mga kasama ng mga kumplikasyon, nararapat ng tanggalin at ma-biopsy. Depende sa laki, maaaring kunin ng buong buo ang bukol, kung sobrang laki naman, kumuha lang ng sapat na sample para mapadala sa laboratory.

Sa pananakit naman, kailangan malaman ang pinanggagalingan o sanhi ng pananakit, para yun ang tutugunan ng pansin. Hindi lahat ay kailangan operahan. Halimbawa sa sakit sa likod, 80% ay muscle lang ang dahilan at hindi inooperahan. Ngunit kung may nararamdaman nang panghihina, pamamanhid, tuluyang pananakit, o hindi na makakilos at naaapektuhan na ang pagihi at pagdumi, maaaring kailanganin nang operahan.

Kahit sa mag sanggol, kung nangangasul dahil nawawalan ng oxygen dahil hindi nakakadaloy ng mabuti ang dugo dahil may butas sa puso, kinakailangan ng agad agad na masara ito sa pamamagitan ng operasyon.

Sa mga matatanda, hindi edad ang importante. Ang mas binibigyang pansin ay ang kanilang medical na kundisyon. May mga karamdaman na mas madalas sa kanila lang nangyayari katulad ng fragiity fractures dahil sa sakit na osteoporosis. Kaya kahit na matanda na pero mas bata at malakas ang medical status nila, kung kailangan operahan ay maaaring magawa ito.

Related Posts

Kadalasan, nauuwi nga sa operasyon kapag nakita ng surgeon ang isang pasyente kapag pinarerefer ito ng mga ibang doktor dahil maaaring may nakikitaan silang posibilidad mangangailangan ng operasyon.

Paminsan kahit malala ang problema na kailangan nang operahan pero may mga iba pang medikal na kundisyon na magbibigay ng kumplikasyon at hindi mabigyan ng medical clearance, hindi pa din maoperahan.

Kung masabihan na surgeon ang kailangan makakita sa inyo, huwag matakot, kumunsulta at pakinggan ninyo muna ang payo, malay nyo, di naman pala kailangang kayong maoperahan.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.