Abante Tonite Interactive

Talong, ampalaya, sibuyas nahaharbat ng aktor sa shooting

By
2,253

Masayang-masaya pala ang isang male personality kapag sa malalayong probinsiya ang kanilang shooting. Balewala sa kanya ang mahabang biyahe, kayang-kaya niya ‘yun, dahil malaki ang ganansiya niya kapag nasa location ang kanyang grupo.

Sa South man o sa North, masayang-masaya ang aktor dahil sa pag-uwi niya ay marami siyang dala-dalang bagahe, panalo ‘yun dahil hindi na sila bibili pa ng mga pagkain nila sa bahay.

Kuwento ng aming source, “Si ____(pangalan ng guwapong male personali­ty na nagkakaedad na) ba ‘kamo? Naku, sobrang saya ng taong ‘yun kapag sa malalayong probinsiya ang location shooting!

“Di ba, malambing siya? Kayang-kaya niyang lambi­ngin ang kahit sino? Pinaaandar niya du’n ang pagiging malambing niya sa mga fans. Pero ang palagi niyang tanong sa mga nagpapa-picture sa kanya, ‘Ano ba ang mga products n’yo dito?’

“Natural, para mapalapit sa kanya ang mga tao, kani-kanya silang bigay ng mga produkto kay aktor. May talong, ampalaya, singkamas, pinya, sibuyas at kung anu-ano pa!

“Kung minsan nga, e, may mga nagbibigay pa sa kanya ng native na manok, may bibe rin, kung kaya nga lang daw niyang ibiyahe ang kambing, e, kukunin niya ang iniaalok sa kanya ng mga fans niya!

“O, di ba naman? Napakalaking bawas nga naman ng mga pabaong produkto sa kanya sa pamalengke nila! E, napakakuring pa naman ng taong ‘yun, sobrang higpit ng mga kamay niya sa paglalabas ng datung, kaya panalung-panalo siya kapag malalayong probinsiya ang shooting niya!

“Kesehodang wala na siyang space sa van niya, e, ikakarga niya talaga ang mga gulay at manok na nahingi niya! Talaga namang ang galing-galing mamuhay ng taong ‘yun, araw-gabi siyang naglalambing sa mga fans niya para makatipid siya!” humahalakhak na pagtatapos ng aming impormante.
***

Pangulo nagpakumbaba, Mocha mayabang pa rin

Kahit pa milyones ang followers ni Asec Mocha Uson ay mada­ling sabihin na sa puso ng mga Pinoy ay panalung-panalo si Kris Aquino sa laban. Kumbaga sa boksing, mula umpisang round hanggang sa dulo ay liyamado ang aktres-TV host, habang lupaypay namang nakasubsob sa lona si Mocha.

Respeto at emosyon kasi ang pinaglalabanan nila, matinding pagrespeto sa mga pumanaw na at damdamin ng isang anak na naulila, kaya piso manalo ng upos si Mocha sa pagkakataong ito.

Hindi naman kasi uri ng halik ang ipinupunto ni Mocha, nakakita lang ito ng butas para muling upakan ang pamilya, ‘yun ang pinakahihintay na pagkakataon ng dating nagpapaseksing singer-dancer para kutyain na naman ang pamilya Aquino.

Pero sumablay si Mocha sa kanyang atake, napa-sign of the cross ang matatanda, galit na galit ang mga milen­yal sa kanyang inasta. Matagal nang nakalibing ang mga taong pinuntirya nito na tunay namang nakapaninindig ng balahibo.

At hindi basta-bastang mga persona­lidad ang binastos ni Mocha, lumuha ang buong bayan nu’ng 1983 nang walang kalaban-labang paslangin si dating Senador Ninoy Aquino, ang dating Pa­ngulong Cory Aquino naman ay na­ging malinaw na barometro ng kala­yaan na dekada nang ipinaglalaban ng ating mga kababayan.

Kung mga taong buhay lang ang inasinta ni Mocha Uson sa kanyang mga atake ay hindi sana makukuha ni Kris Aquino ang isandaang porsiyentong simpatya at pagmamahal ng bayan.

Walang boses ang patay na. Walang kamaong puwedeng ipangsangga sa mga batikos. At sa kawalan ng armas ng mga patay na ay nand’yan ang kanilang mga anak na handang magtanggol at makipagdiskurso.

At wala sa bokabularyo ni Mocha Uson ang pagpapakumbaba. Humingi na ng dispensa kay Kris ang pangulong ipinaglalaban nito pero si Mocha Uson ay nagpairal pa rin ng katigasan ng ulo.

Insubordination ang tawag du’n. Nagpa-iral na ng humility ang pangulo, pero ang nasasakupan nitong tauhan ay nagyayabang pa rin, na tama ang kanyang argumento?

Sa anumang lara­ngan ng laban, kapag hindi tayo marunong makipagtuos sa katotohanan, ay walang tagum­pay na naghihintay sa atin.