Abante Tonite Interactive

Talunan o nanalong kandidato dapat ideklara ang ginastos – Comelec

316

by PNA

Pinalawig ng isang araw ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsusumite ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng lahat ng kandidato sa nakaraang halalan.

Ipinaliwanag ni Comelec spokesman James Jimenez na pumatay sa holiday o Hunyo 12 (Araw ng Kalayaan) ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE kung kaya’t pinayagan ng komisyon na makapagsumite pa ang mga kandidato sa Hunyo 13, Huwebes.

Kasabay nito, nilinaw ni Jimenez na hindi tatanggapin ng komisyon ang mga SOCE na isusumite sa pamamagitan ng registered mail, cou­rier o messenger service.

Pinaalala rin ng Comelec sa lahat ng kumandidato sa katatapos na midterm elections noong Mayo 13 na kailangang magsumite ng tatlong kopya ng SOCE at dapat naka-Excel format ito.

Kailangan aniyang magsumite ng SOCE lahat ng kandidato kahit na hindi nanalo, self-funded ang kampanya, walang ginastos sa eleksyon, hindi tinuloy ang pangangampanya o inatras ang kandidatura maliban kung ito’y ginawa bago nagsimula ang election campaign (Pebrero 12 sa mga senatorial candidate at Marso 12 sa mga local candidate.

Maaari rin umanong magsumite ng kanilang SOCE ang mga nanalong kandidato ng lampas sa itinakdang panahon ng Comelec pero pagmumultahin sila dahil sa late filing.

Gayunman, nagbabala ang Comelec na hindi makakaupo sa kanilang puwesto ang mga kandidatong mabibigong magsumite ng SOCE.

“SOCE filed beyond the deadline shall not be accepted except from those who won the elections. Until the submission of SOCE, the winning candidate shall not assume office. (Sec. 14 or Republic Act 7166),” pahayag ng Comelec.

Nakasaad sa RA 7166 ang multa na nagkakahalaga ng P1,000 hanggang P10,000.