Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tama ba ang ban kay Coach Aldin?

0 274

Marahil marami na kayong nabasa sa mga social media at diyaryo sa pagbibitiw ni Coach Aldin Ayo bilang coach ng University of Santo Tomas sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Bukod sa pag-re-resigned niya, banned na rin siya sa UAAP, sumali pa ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) kahit walang namang koneksiyon.

Hindi na siya pwedeng mag-coach sa dalawang liga. Makatuwiran nga ba ito? Hindi naman siya nag coach sa NCAA. Bakit siya pinagtulungan ng mga opisyales ng NCAA? Masama ang panlasa sa akin nito. Pati liga na hindi naman siya kasali, pinagkaisahan siya.

Totoong may pagkakamali si Coach Aldin, at ito’y inamin na niya. Dahil sa pandemiya na dumating, maraming tao ang nagkamali. May senador, police general, iba pang opisyal, na hindi man lang pinarusahan.

Nanghihinayang ako kay Ayo dahil isa siya na napakagaling na coach. Isang winner. Binigyan niya ng kampeonato ang Letran Knights sa NCAA at at ang La Salle Green Archers sa UAAP, at naiahon niya ang UST, mula kulelat hanggang first runner up sa nakaraang taon.

Alam ko ang pakay niya. Nagpaalam siya sa UST para dalhin ang mga manlalaro ng UST sa Sorsogon. Parang boot camp. Ginagawa na pala niya ito noong araw pa. Wala silang reklamo, okay naman daw ang pagkain at kumpleto ang lugar.

Sa akin lang naman, medyo mabigat ang parusa na aalisan mo ng hanap buhay ang isang tao. Isang taong suspensiyon tama na siguro.

Leave A Reply

Your email address will not be published.